Home NATIONWIDE Isiniwalat ng ex-Marines vs ICC, ‘wag balewalain – VP Sara

Isiniwalat ng ex-Marines vs ICC, ‘wag balewalain – VP Sara

145
0

MANILA, Philippines — Nanawagan si Vice President Sara Duterte na tugunan ang mga pahayag ng mga umano’y dating miyembro ng Philippine Marine Corps hinggil sa sinasabing mga anomalya sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng crimes against humanity case ng kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa isang pahayag, sinabi ng Bise Presidente na matagal na niyang naririnig ang impormasyon tungkol sa umano’y koordinasyon ng ilang opisyal ng Pilipinas sa mga imbestigador ng ICC.

“Bunga nito, pormal akong sumulat sa Pangulo upang makuha on record ang posisyon ng Administrasyon. Ang naging tugon niya ay, ‘We will not cooperate in any way, shape, or form’—isang tahasang pagkilala na ang mga hakbang ng ICC ay itinuturing na paglapastangan sa soberanya ng Pilipinas,” aniya.

Ipinahayag din ni Sara Duterte ang paghanga sa mga umano’y dating security personnel ni dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co na nagsabing sila ay nagsilbing personal assistants at security consultants at naghatid umano ng mga maleta na “filled with cash” sa iba’t ibang indibidwal.

Inakusahan din nila sina Co at dating senador Antonio Trillanes IV na nagpondo ng hotel accommodations ng mga imbestigador ng ICC at naghatid umano ng pera sa bahay ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Ilocos Norte.

“Hanga ako sa tapang ng mga dating security personnel ni Zaldy Co na naglakas-loob magsalita batay sa kanilang personal na kaalaman tungkol sa mga usaping matagal ko nang nalalaman. Hindi pangkaraniwan ang kanilang ginawa dahil posibleng buhay nila ang kapalit sa paglabas ng katotohanan,” aniya.

“Ngayon, ang mga testimonya ng mga dating security personnel ni Zaldy Co ay lalo pang nagpapatibay sa mga nauna ko nang babala kay dating Pangulong Duterte at Senador Bato dela Rosa tungkol sa presensya ng ICC sa loob ng Pilipinas, hanggang sa mga pangyayaring may kaugnayan sa pag-kidnap sa aking ama. Ang mga impormasyong ito ay hindi maaaring isantabi o ipagwalang-bahala,” dagdag pa niya.

Iginiit ng Bise Presidente na hindi ito isyung pulitikal kundi usapin ng soberanya at umano’y pakikialam ng mga dayuhang institusyon sa panloob na usapin ng bansa.

“Sovereignty is not a principle to be invoked when convenient and abandoned when expedient. Sovereignty should not depend on who benefits and should not shift with political winds,” aniya.

“When we weaken the principle of sovereignty, we do not only affect one leader or one family. We affect the dignity of our country and the trust of our people in the institutions meant to protect them,” dagdag pa niya.

Nauna nang sinabi ng Malacañang na ang mga alegasyon ng mga umano’y ex-Marines at ni abogado Levito “Levi” Baligod ay layong siraan ang ICC habang dinidinig nito ang kaso laban kay Rodrigo Duterte.

Itinanggi rin ni Trillanes ang mga paratang at sinabing magsasampa siya ng cyber libel case laban kina Baligod at sa mga umano’y ex-Marines. Itinanggi rin ng ICC ang mga akusasyon at sinabing ang kanilang operasyon ay pinopondohan sa pamamagitan ng opisyal na badyet at pinamamahalaan nang independiyente at may transparency.

Sinimulan ng ICC nitong Lunes ang confirmation of charges hearing laban kay Duterte kaugnay ng mga umano’y extrajudicial killings sa ilalim ng kanyang kampanya kontra ilegal na droga. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here