MANILA, Pilipinas — Sinabi ng kampo ng beauty queen-actress na si Michelle Dee na maaari silang humiling ng International Criminal Police Organization (Interpol) red notice laban sa social media personality na si Christian “Xian” Gaza sakaling maglabas ng warrant of arrest ang korte kaugnay ng cyber libel complaint na isinampa laban sa kanya.
Ito ang sinabi ng abogado ni Dee na si Atty. Maggie Garduque nitong Huwebes matapos magsumite ng supplemental affidavit sa National Bureau of Investigation (NBI) Cybercrime Division.
Sa isang ambush interview, sinabi ni Garduque na kung totoo mang nasa labas ng bansa si Gaza, na iniulat na nasa Thailand, maaari siyang maaresto sa pamamagitan ng Interpol kung may warrant na.
“Siguro po we will just force all law enforcement agencies para makagawa ng paraan. Kung kinakailangan ng red notice sa Interpol para po since hindi lang naman ito ang kaniyang kaso at may ibang mga kaso at may pending warrant of arrest pa po siya, pwede na po nating ipa-alarma sa Interpol para po ma-issue-han siya ng red notice at ma-aresto siya kahit wala siya sa Pilipinas,” aniya.
Dagdag niya sa mensahe sa Viber na maaaring idaan sa mga law enforcement agencies ng Pilipinas ang aplikasyon para sa red notice kung aabot sa korte ang kaso at may warrant na ilalabas.
“This is in the event the case of Xian Gaza reaches the court and a warrant of arrest will be issued to him. Since he is not in the Philippines, we will apply for a red notice so that he will be brought back to the Philippines to face all the charges against him,” aniya.
“I was informed that he also has an alias warrant for syndicated estafa. This and the cases which Michelle will file against him will be a good ground for him to be put under red notice,” dagdag pa niya.
Noong 2018, hinatulan ng Malabon Regional Trial Court si Gaza ng limang taon at anim na buwang pagkakakulong matapos mapatunayang guilty sa estafa kaugnay ng pag-isyu ng ₱2 milyong bouncing checks.
Noong Pebrero 16, naghain si Dee ng cyber libel complaint laban kay Gaza at sa mga administrador ng ilang Facebook pages dahil sa umano’y pagpapakalat ng maling impormasyon. Ayon kay Garduque, kabilang sa mga “fake” at “malicious” posts ang alegasyong lumipad si Dee sa ibang bansa upang iwasan ang kaso, at iginiit niyang may “actual malice” ang mga ito.
“These post are made with knowledge na hindi totoo ang mga ito… Recently may mga post pa siya regarding sa na sinabi daw ng nanay niya, ni Melanie Marquez, sa isang film producer na sinasabing bata pa si Michelle ay nagkamali siya,” aniya.
“This can be tantamount to a defamatory imputation,” dagdag pa niya.
Samantala, naglabas ng subpoena ang NBI laban kay Dee kaugnay ng reklamong physical injuries at illegal detention na isinampa laban sa kanya, kay Rhian Ramos, at kay Samantha Panlilio ng driver ni Ramos na may alyas na “Totoy.” Ayon kay Garduque, haharap siya sa NBI sa Biyernes upang sumunod sa subpoena. RNT