Home LIFESTYLE HEALTH Zero dengue deaths target pagsapit ng 2030

Zero dengue deaths target pagsapit ng 2030

359
0
(Via Danny Querubin)

MANILA, Pilipinas — Target ng mga health professional na makamit ang zero dengue-related deaths pagsapit ng 2030 sa pamamagitan ng mas pinaigting na mga hakbang sa pag-iwas at pag-apruba ng bakuna.

Muling pinagtibay ng Philippine Medical Association (PMA), bahagi ng Empowering Networks to Defeat Dengue coalition, ang layuning ito nitong Huwebes sa paggunita ng unang anibersaryo ng grupo.

Ayon kay PMA president Dr. Hector Santos, kinakailangan ang mas maigting na vector control, maagang diagnosis, tamang pagpapalaganap ng impormasyon, at pag-apruba ng bagong henerasyon ng dengue vaccine upang makamit ang zero deaths.

“Sa PMA, we are reaching out to all our doctors. When we go around, sinasabi namin na itong kailangang advocacy natin so they are advocating, reminding their patients of early diagnosis and early treatment,” aniya.

Hinimok din niya ang mga lokal na pamahalaan at komunidad na panatilihing malinis ang kapaligiran at alisin ang mga naipong tubig na maaaring pamahayan ng lamok.

Binigyang-diin naman ni Dr. Lulu Bravo ang kahalagahan ng isang komprehensibong approach sa pag-iwas sa dengue at ang papel ng bakuna.

“Ang gusto kong mangyari, comprehensive approach, vector control, gawin ang kayang magawa para hindi magkaroon ng dengue. Yan ay possible kung may bakuna dahil ang bakuna ang number one preventive measure sa lahat ng sakit,” aniya.

Ayon kay Health Undersecretary Dr. Gloria Balboa, umabot sa 14,907 ang naitalang kaso ng dengue ng Department of Health hanggang Pebrero 14, 2026, na may 0.40 case fatality rate.

Nanawagan sina Santos at Bravo sa pamahalaan na aprubahan ang Qdenga vaccine na gawa ng Japanese pharmaceutical firm na Takeda. Nag-apply na ang kumpanya para sa product registration certificate sa Food and Drug Administration, ngunit wala pa itong pinal na desisyon. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here