MANILA, Philippines – Nanawagan ang Malacañang nitong Biyernes sa mga indibidwal na nagpakilalang dating miyembro ng Philippine Marine Corps na huwag magpagamit sa umano’y mga nasa likod ng alegasyon tungkol sa paghahatid ng bilyong pisong cash sa ilang opisyal ng gobyerno, kabilang si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sa press briefing, tinanong si Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro kung naniniwala siyang ginamit lamang ang mga sinasabing ex-Marines upang ilahad ang mga akusasyon.
“Malamang. Pero wala po tayong partikular na impormasyon patungkol po diyan. Kung anong nais nila, hindi po natin batid pero ang mga nasa likod nito, alam naman natin kung anong gusto nila,” ani Castro.
“At sana bilang Pilipino, huwag na lamang po silang magpagamit at makakasira po ito para sa ating bansa at para sa maganda sanang pagsulong ng ating bansa. Huwag na po silang magpagamit bilang Pilipino,” dagdag niya.
Nauna nang iginiit ng 18 indibidwal na sila ay nagtrabaho bilang personal assistants at security consultants ni dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co. Kasama ang kanilang abogado na si Levito “Levy” Baligod, inakusahan nila sina Co at dating senador Antonio Trillanes IV na nagpondo umano sa hotel accommodations ng mga imbestigador ng International Criminal Court (ICC). Itinanggi ng ICC at ni Trillanes ang mga alegasyon.
Binatikos din ni Castro si dating Anakalusugan party-list representative Mike Defensor at tinawag itong dating kalihim ng “Dirty Tricks Department.” Ibinasura rin niya ang pahayag ni Vice President Sara Duterte na matagal nang nakikipag-ugnayan ang ilang opisyal ng Pilipinas sa mga imbestigador ng ICC.
“Patungkol po sa sinabing pakikipag-cooperate sa ICC, nananatili po tayo na ang ginagawa lang ng administrasyon ay ang pagtupad sa sarili nating batas at ang ating obligasyon sa INTERPOL pati na po ang tinatawag nating residual obligation. Malamang nakakapagsabi lamang siya nito dahil ang ama niya ang nililitis ngayon sa ICC,” ani Castro.
Tinukoy rin ni Castro na apat sa 18 ang hindi pala tunay na dating Marines.
“At patungkol sa 18 na former Marines na ang apat doon ay hindi pala—doon pa lamang ay masasabi natin, ‘Oops, may nagsisinungaling!’ So, ang ibig bang sabihin nito ay nasa likod din ba ang Bise Presidente sa mga tinuturan nitong labingwalo na nakasama sa presscon na sinundo diumano ni Mike Defensor?” pahayag niya.
Mas maaga nitong Biyernes, inamin ni Defensor na tinulungan niya ang 18 indibidwal ngunit itinanggi ang pagkakasangkot sa paggawa ng kanilang affidavit, at sinabing direktang nakipag-ugnayan ang mga ito sa kanilang abogado na si Baligod. RNT