Home NATIONWIDE Drug-related killings sa PBBM admin, ‘di kukunsintihin

Drug-related killings sa PBBM admin, ‘di kukunsintihin

160
0

MANILA, Philippines – HINDI kukunsintihin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang posibleng pag-abuso sa kapangyarihan na nauwi sa pagkasawi ng ilang pinaghihinalaang drug offenders sa panahon ng anti-drug operations.

Ang pagtiyak, ayon sa Malakanyang, ay bilang tugon sa sinabi ng defense team ni dating Pangulong Rodrigo “Digong” Roa Duterte na ang drug-related killings ay hindi “unique” sa Pilipinas at diumano’y tumaas sa unang dalawang taon ng administrasyong Marcos.

Para kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, nakakatawa at nakapagtataka na nakapokus ang kampo ni Digong Duterte sa administrasyong Marcos sa isinagawang pre-trial proceedings ng International Criminal Court sa halip na tugunan ang pagkamatay ng mga pinaghihinalaang drug offenders na nangyari sa ilalim ng nakaraang administrasyon.

“Pero kung may basehan ang sinasabing ito, ang Pangulo, alam po natin, ayaw po ng marahas na paglaban sa ilegal na droga,” ani Castro.

Winika pa ni Castro na ang mga investigative body gaya ng National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP) at ang investigative arm nito na Criminal Investigation and Detection Group, ay dapat umakto kung may sapat na ebidensiya.

“Kailangan po, kung ito po ay narinig, pero dapat kung sino po ang nagsasabi nito, kung sino po ang nagbibigay ng ganitong klaseng impormasyon, dapat kumpletuhin nila, hindi numero lamang. Kung saan nangyari, sino ang involved,” aniya.

“Hindi po nanaisin ng Pangulo na may lumusot na mga abusado,” dagdag ni Castro.

“Regarding reports that 1,183 drug-related killings occurred under the Marcos administration as of Feb. 23, 2026,” ani Castro, sabay sabing magpapatuloy lamang ang imbestigasyon kung ang mga ebidensiya ay maayos na naisumite.

Kaugnay nito, hindi na aniya kailangan na magbigay ng kautusan si Pangulong Marcos para sa isang imbestigasyon dahil tungkulin ng mga investigative body na umakto kapag umiiral na ang kapani-paniwalang ebidensiya.

“If there are pieces of evidence that can be submitted, then that’s the right time to investigate this matter,” aniya.

Binigyang-diin ni Castro na ayaw ni Pangulong Marcos na mabahiran ang kanyang administrasyon ng “bloody extrajudicial killings,” sabay sabing ang nasabing aksyon ay “not his legacy.”

Tiniyak naman ni Castro na ang mga mapatutunayang sangkot sa “unlawful deaths” ng mga drug personalities ay mananagot.

“Even before, ang sabi ng Pangulo, walang dugong dadanak. Hindi po niya ginugusto ang extrajudicial killings. Ang pagsugpo sa illegal na droga ay may tamang pamamaraan. Lagi pong pinapanatili ng Pangulo ang tinatawag nating due process,” ani Castro.

“Kailangan marinig din po ang mga taong inakusahan. Hindi po kinakailangang ipapatay agad nang hindi sila nadidinig. Hindi po iyan at wala po sa Konstitusyon natin ang salitang death penalty. Hindi po ito ipinatutupad sa bansa natin,” dagdag pa niya. Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here