MANILA, Philippines – Siyam na turista ang nahulog sa ilog matapos mapigtas ang isang kable ng Zabali Hanging Bridge sa Barangay Zabali, Baler, Aurora, habang tumatawid ang mga ito noong Biyernes, Nobyembre 20.
Ayon kay Barangay Chairman Reynante Mapindan, tinatayang 15 katao ang nasa tulay nang mapigtas ang isang kable sa itaas na bahagi nito dahilan upang tumagilid ang istruktura.
Kinumpirma ni Mapindan na siyam ang nahulog sa ilog habang ang iba ay nakahawak sa natitirang mga kable.
Dalawa sa mga turista, isang lalaki at isang babae, ang nagtamo ng mga gasgas at iba pang minor injuries.
Agad na rumesponde ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), pulisya at mga opisyal ng barangay upang sagipin at tulungan ang mga biktima na pawang nagmula sa Cabanatuan City, Nueva Ecija.
Hinala ni Mapindan na posibleng dulot ng kalumaan at pagkasira ng kable ang insidente.
Pansamantalang isinara ng lokal na pamahalaan ang tulay matapos ideklarang hindi ligtas gamitin. May alternatibong daan naman para sa mga residente at turista.
Gayunman, napipilitan nang maglakad nang mas malayo ang ilang estudyanteng gumagamit ng tulay upang makarating sa kanilang paaralan sa kabilang bahagi ng ilog.
Ayon kay Mapindan, nakikipag-ugnayan na ang lokal na pamahalaan at tourism office para sa agarang pagsasaayos ng nasirang tulay. Mary Anne Sapico