MANILA, Philippines – Kumpiyansa si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na lalong mapalalakas ng Pilipinas ang ugnayan nito sa Slovak Republic, Papua New Guinea at Lao People’s Democratic Republic matapos tanggapin ang mga bagong ambassador, araw ng Biyernes.
Kabilang dito sina Ambassador Stephen Pokanis (Papua New Guinea), Miloš Koterec (Slovak Republic), at Thiphasone Sengsourinha (Lao PDR) sa Malacañang.
Ayon sa Pangulo, isang malaking karangalan para sa kanya ang pagtanggap kay Ambassador Koterec bilang kauna-unahang resident ambassador ng Slovakia sa Pilipinas.
Binigyang-diin niya ang malawak na potensyal ng kooperasyon sa iba’t ibang sektor.
Tungkol sa Papua New Guinea, sinabi ni Pangulong Marcos na umaasa sya na lalo pang lalalim at magiging mas makabuluhan sa hinaharap ang ugnayan dito ng Pilipinas.
Sa Lao PDR naman, sinabi niya na matibay na ang ugnayan ng dalawang bansa at umaasa rin siya na higit pang mapapalakas ang nasabing relasyon sa mga darating na taon.
Samantala, tiniyak ni Ambassador Koterec ang kanyang suporta sa konkretong ugnayang bilateral sa iba’t ibang larangan at ibinahagi ang potensyal ng Slovakia sa nuclear technology, edukasyon, at akademikong partnership.
Sinabi naman ni Ambassador Pokanis, na kinilala niya ang matibay na ugnayang pamahalaan-sa-pamahalaan at mamamayan-sa-mamamayan at pinasalamatan ang Pilipinas sa suporta sa ASEAN.
Nangako rin ang envoy ng Lao PDR na patuloy niyang paiigtingin ang mabuting ugnayan at kooperasyon sa pagitan ng Lao PDR at Pilipinas sa mga susunod na taon pagdating sa pagiging episyente, technology-driven, at citizen-centered public services nationwide. (KRIS JOSE)