Home METRO 2 “uson” naitala sa Mayon; alert level 3 pa rin

2 “uson” naitala sa Mayon; alert level 3 pa rin

139
0

ALBAY, Philippines – Iniulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang dalawang pyroclastic density current (PDC) o “uson” sa Mayon Volcano noong Biyernes, Pebrero 27, matapos ang pagguho ng lava sa Bonga Gully.

Naganap ang unang PDC alas-12:40 ng tanghali at sinundan ng isa pa alas-2:05 ng hapon. Tumagal ang bawat isa ng halos isang minuto. Ang PDC ay mapanganib na halo ng mainit na volcanic gas, abo, at tipak ng bato.

Umabot sa humigit-kumulang 300 metro ang tinakbo ng mga ito at nagbuga ng kulay abong usok na umabot sa 3,000 metro taas mula sa bunganga bago tinangay pa-timog-kanluran, batay sa time-lapse footage ng Mayon Volcano Observatory.

Sa 24-oras na monitoring mula alas-12 ng madaling araw ng Pebrero 26 hanggang alas-12 ng madaling araw ng Pebrero 27, nakapagtala ang Phivolcs ng 344 rockfall events, 13 PDCs, at pitong volcanic earthquakes.

Patuloy ang pagdaloy ng lava sa southern at eastern gullies: umabot ito sa 3.8 kilometro sa Basud Gully, 2.2 kilometro sa Bonga Gully, at 1.3 kilometro sa Mi-isi Gully. Mataas din ang sulfur dioxide emission sa 2,199 tonelada kada araw.

Nananatili ang Mayon sa Alert Level 3, na nangangahulugang may matinding paggalaw ng magma at posibilidad ng mapanganib na pagputok. Sa ilalim nito, maaaring magpatuloy ang lava flows, rockfalls, at PDCs sa timog at silangang bahagi ng bulkan, at posible ring magkaroon ng lava fountaining o katamtamang pagsabog na maaaring makaapekto sa lahat ng bahagi ng bulkan.

Mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng anim na kilometrong permanent danger zone dahil sa banta ng lava flows, rockfalls, at PDCs. Pinapayuhan din ang mga residente sa loob ng walong kilometro na maging handa sa posibleng paglikas sakaling tumaas pa ang alert level sa Alert Level 4. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here