Home NATIONWIDE Panukalang regulasyon sa paggamit ng gadget ng mga kabataan, sinuportahan sa NorMin

Panukalang regulasyon sa paggamit ng gadget ng mga kabataan, sinuportahan sa NorMin

178
0

MISAMIS ORIENTAL, Philippines – Maingat na sinalubong ng ilang sektor sa Northern Mindanao, kabilang ang mga magulang at ahensya ng gobyerno, ang House Bill 7887 o Children’s Gadget Use Regulation Act na naglalayong iregula ang paggamit ng gadgets ng mga bata.

Inihain ni Asenso Pinoy Party-list Rep. Henry Oaminal Jr. ang panukala na nagbabawal ng screen time sa mga batang edad zero hanggang dalawa, naglilimita para sa edad dalawa hanggang 12, at nagtatakda ng regulasyon para sa edad 13 hanggang 17 sa mga paaralan at komunidad.

“In today’s digital world, it’s so easy to hand a gadget to a child just to get a few minutes of peace. But this comes at the expense of their development,” ani Oaminal.

Gayunman, sinabi ni Crystal Raro ng University of Science and Technology of Southern Philippines na dapat palakasin ang kakayahan ng mga magulang dahil pangunahing responsibilidad nila ang pag-aalaga sa mga bata, at hindi dapat mangibabaw ang batas sa usaping pampamilya. Nagpahayag din siya ng pangamba sa mga probisyong maaaring makialam sa pribadong buhay ng pamilya.

Nagpahayag naman ng “conditional” support ang Department of Social Welfare and Development-Northern Mindanao batay sa prinsipyo ng best interests of the child.

Ayon kay social worker Grace Dael, Children Sector Focal ng DSWD-10, kinikilala ng ahensya ang pangangailangang protektahan ang mga menor de edad laban sa digital harm ngunit dapat manatiling “subsidiary in nature” ang pakikialam ng estado.

“The Department’s qualified support is predicated on ensuring that the measure remains developmental, protective and enabling in character,” aniya.

Suportado rin ng PLDT-Smart ang panukala. Ayon kay chief sustainability officer Melissa Vergel de Dios, napapanahon ang bill at kaakibat ito ng adbokasiya laban sa Online Sexual Abuse and Exploitation of Children.

“Child protection is one of our important advocacies and the bill is a move towards age-appropriate access to content,” aniya.

Nakasaad sa panukala ang non-intrusive monitoring at boluntaryong partisipasyon ng mga pamilya, na may mahigpit na pagiging kompidensyal ng impormasyong makakalap ng barangay health workers. May papel sa pagpapatupad ang Department of Health, mga local government unit, at Department of the Interior and Local Government.

Iginiit ni Oaminal na nakatuon ang panukala sa parental at communal approach, at ang mga probisyon para sa magulang ay advisory at supportive, na nagbibigay-diin sa edukasyon kaysa sa pagpapatupad ng parusa. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here