Home NATIONWIDE Education 2027 budget, masusing hihimayin ng Senado – Gatchalian

Education 2027 budget, masusing hihimayin ng Senado – Gatchalian

1
0

MANILA, Philippines – Tiniyak ni Senate President Win Gatchalian na masusing susuriin ng Senado ang panukalang pondo para sa sektor ng edukasyon sa 2027 national budget, upang matiyak  na hindi maaantala ang mahahalagang programa   sa pagkatuto at nutrisyon ng mag-aaral.

“Sa pagtalakay natin sa 2027 national budget, titiyakin nating magpapatuloy ang mga repormang kinakailangan sa sektor ng edukasyon upang itaguyod ang kapakanan ng ating mga mag-aaral at guro,” ani Gatchalian kasunod ng pagsisimula ng pagtalakay ng plenaryo ng Senado sa panukalang 2027 national budget.

Binigyang-diin ng lider ng Senado ang kahalagahan ng pagpapatuloy sa mga nakamit sa ilalim ng 2026 national budget, kung saan inilaan ang pinakamataas na pondo para sa sektor ng edukasyon sa kasaysayan ng bansa. Umabot sa P1.3 trillion ang pondo para sa sektor ng edukasyon, katumbas ng 4.4% ng gross domestic product (GDP) ng bansa.

Noong nanungkulan si Gatchalian bilang Chairman ng Senate Committee on Finance, isinulong niya ang paglalaan ng ganitong antas ng pondo alinsunod sa mga pamantayang itinakda ng United Nations.

Sa ilalim ng makasaysayang 2026 education budget, nadagdagan nang mas malaking pondo ang pagpapatayo ng mga silid-aralan at mga programang tulad ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program at School-Based Feeding Program. Gayunpaman, makikita ang malaking pagbaba ng pondo para sa mga naturang programa sa panukalang budget para sa susunod na taon.

Halimbawa, walang nakalaang line budget para sa ARAL Program sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP) para sa 2027. Sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act (GAA), may nakalaang P8.9 billion para sa programa.

Samantala, wala pang kalahati ng kasalukuyang pondo para sa School-Based Feeding Program ang panukalang P11.43 billion sa ilalim ng 2027 NEP. Mas mababa ito kumpara sa P25.7 billion na inilaan para sa programa sa ilalim ng 2026 GAA. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here