Home TOP STORIES California, nanganganib sa matinding pagbaha dahil sa king tides, El Niño

California, nanganganib sa matinding pagbaha dahil sa king tides, El Niño

1
0

MANILA, Philippines – Nanganganib ang baybayin ng California sa United States sa matinding pagbaha dahil sa pambihirang taas ng tubig-dagat at masamang lagay ng panahon na pinalalala ng El Niño, kasabay ng pinakamataong linggo ng paglalakbay sa bansa para sa Thanksgiving holiday.

Inaasahang higit na maaapektuhan ang San Francisco Bay Area dahil sa pagsabay ng malalakas na pag-ulan at tinatawag na king tides, na maaaring magdulot ng pagbaha sa mga mabababang lugar, kabilang ang paliparan ng lungsod.

Nagbabala si San Francisco Mayor Daniel Lurie na seryoso ang sitwasyon at hinimok ang mga residente na iwasan ang hindi kinakailangang pagbiyahe.

Taun-taon nang nangyayari ang king tides dahil sa puwersa ng grabidad at posisyon ng Earth, Moon at Sun. Ngunit ngayong taon, inaasahang aabot o lalampas ang taas ng tubig sa San Francisco sa dating record na 8.66 feet o 2.6 metro, na naitala mahigit 40 taon na ang nakalilipas.

Mas mainit din kaysa karaniwan ang tubig-dagat dahil sa climate change na dulot ng aktibidad ng tao at malakas na El Niño ngayong taon.

Ayon kay Dial Hoang ng National Weather Service (NWS), maaaring umabot sa halos tatlong talampakan ang baha sa Bay Area sa kasagsagan ng high tides nitong Miyerkules.

Nagbabala rin ang NWS na maaaring tumama sa baybayin ng California ang malalakas na alon na aabot sa 30 talampakan sa Miyerkules, habang mananatiling mapanganib ang kondisyon sa mga dalampasigan hanggang Linggo.

Kasabay ng king tides, inaasahan din ang storm surge na aabot sa 1.6 talampakan, na maaaring magtulak sa tubig at alon nang mas malayo papasok sa dalampasigan kaysa karaniwan.

Posibleng simula pa lamang

Ayon kay Reinhard Flick, coastal oceanographer ng Scripps Institution ng University of California, San Diego, nagdulot ng malaking pinsala ang magkasabay na matataas na alon, king tides at malalakas na bagyo noong Enero 1983.

Hindi pa malinaw kung magdudulot ng kaparehong pinsala ang inaasahang lagay ng panahon ngayong linggo. Gayunman, nagbabala si Mayor Lurie na maaaring magdulot ng pagbagsak ng mga puno ang malalakas na hangin at bahain ang mabababang kalsada sa tabing-dagat kahit kaunti o walang ulan.

Sa Southern California, maaaring umabot sa 22 talampakan ang taas ng mga alon at 8.4 talampakan naman ang peak tide. Nagbabala ang NWS na maaaring tangayin ng biglaang malalakas na alon ang mga tao sa dalampasigan at umabot ang tubig sa mga paradahan at kalsada.

Hinimok ng ahensiya ang publiko na palaging bantayan ang galaw ng dagat dahil maaaring umabot ang mga alon sa mga lugar na inaakalang ligtas at tuyo.

Inaasahang muling mararanasan ang king tides sa panahon ng Pasko at sa Enero 21 hanggang 22. Patuloy namang lalakas ang El Niño hanggang sa pagtatapos ng taon.

Ayon kay Flick, maaaring maging mas malala ang epekto kung magsabay ang pag-ulan, malalakas na alon at matataas na tubig-dagat, lalo na sa Disyembre at Enero. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here