BAGUIO CITY — Ibinasura ng Labor Arbiter ang reklamong inihain ng ilang delivery rider laban sa Delivery Hero Logistics Philippines, Inc. (DHLPI), matapos mapagpasyahan na walang umiiral na employer-employee relationship sa pagitan ng kumpanya at ng mga nagreklamo.
Sa desisyong inilabas noong Enero 20, 2026, kinilala ng Labor Arbiter na ang mga rider ay pumasok sa isang freelance agreement bilang mga independent service providers. Ayon sa desisyon, ang kanilang working arrangement ay hindi umaabot sa pamantayan ng employer-employee relationship sa ilalim ng umiiral na batas at jurisprudence.
Isyu ng kontrol
Binigyang-diin sa desisyon na walang sapat na ebidensya upang patunayan na may direktang kontrol ang DHLPI sa paraan ng pagtupad ng mga rider sa kanilang trabaho—isang mahalagang elemento sa pagtukoy ng employer-employee relationship.
Ayon sa Labor Arbiter, ang mga patakaran tulad ng pagsunod sa delivery protocols, paggamit ng rider application, at food-handling standards ay itinuturing na mga operational measures upang matiyak ang maayos at ligtas na serbisyo, at hindi bilang indikasyon ng direktang pamamahala o kontrol sa paraan ng paggawa.
Kalayaan sa oras at kita
Tinukoy rin sa desisyon na may kalayaan ang mga rider na:
magtakda ng oras ng pag-log in sa platform,
tumanggap o tumanggi sa delivery requests, at
magbigay ng serbisyo sa iba pang delivery platforms.
Ang kanilang kita ay nakabatay sa aktwal na delivery na nakukumpleto gamit ang sariling sasakyan at kagamitan.
Kawalan ng hurisdiksyon
Dahil sa kawalan ng employer-employee relationship, ipinasiya ng Labor Arbiter na walang hurisdiksyon ang labor tribunal sa mga money claims na inihain ng mga nagreklamo. Dahil dito, ibinasura ang reklamo dahil sa kawalan ng merito at hurisdiksyon.
Sa ngayon, wala pang ulat kung magsasampa ng apela ang mga nagreklamo kaugnay ng naturang desisyon. RNT