Home METRO 2 Tsino na nagpapanggap na Pinoy, nasakote sa Iligan City

2 Tsino na nagpapanggap na Pinoy, nasakote sa Iligan City

157
0

ZAMBOANGA CITY — Inaresto ng mga awtoridad ang dalawang Chinese nationals sa Iligan City matapos umanong magpanggap bilang mga Pilipino na lumalabag sa Philippine Immigration Act, ayon sa militar nitong Huwebes.

Ayon sa 1st Infantry Division, naaresto ang mga suspek sa isang joint law enforcement operation noong Miyerkules sa Barangay Mahayahay.

Kinilala ang mga ito na sina Boagui Xu, alias Stanny Co, 51, at Lizun Cai, alias Mia Co, 50, na parehong Chinese nationals na halos 20 taon nang naninirahan sa Pilipinas habang nagsasagawa ng negosyo.

Nadiskubre ng mga awtoridad na gumagamit ang dalawa ng mga Filipino alias sa mga opisyal na dokumento.

“Their records further revealed that one of the subjects was able to obtain a late-registered Filipino birth certificate and a Philippine driver’s license under an assumed Filipino identity,” ayon sa ulat ng 1ID. “Both were also found in possession of Philippine driver’s licenses issued under their respective aliases.”

Dinala ang dalawang suspek sa himpilan ng 2nd Mechanized Infantry Brigade sa Iligan City para sa dokumentasyon bago iproseso ng Bureau of Immigration.

Pinangunahan ng Bureau of Immigration at ng Iligan City Police Office ang operasyon sa tulong ng mga yunit ng militar sa ilalim ng 1st Infantry Division at Joint Task Force Zampelan.

Ayon sa mga awtoridad, ipinapakita ng operasyon ang matibay na koordinasyon ng immigration, pulisya, at militar.

Ikalawang grupo na ito ng mga Chinese nationals na naaresto sa rehiyon ngayong linggo. Noong Martes, inaresto rin sina Tao Zhang, 59, mula Shaanxi Province, at Chenggong Zhang, 41, mula Hubei Province, dahil sa umano’y pagkakasangkot sa ilegal na gold processing sa Sibutad. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here