COTABATO CITY — Apat na miyembro ng Moro Islamic Liberation Front ang nasugatan matapos ang sagupaan sa pagitan ng dalawang kumander ng grupo sa Shariff Saydona Mustapha, ayon sa militar.
Ayon kay Lt. Col. Ronald Suscano, naganap ang putukan noong Linggo sa Barangay Linantananga sa pagitan ng puwersa nina MILF 118th Base Command Brigade Commander Kagi Gani Adam at 128th Base Command Field Commander Saydonin Kairo.
Sinabi ni Suscano na tig-dalawang miyembro mula sa bawat panig ang nasugatan sa halos 20 minutong palitan ng putok na umano’y nag-ugat sa personal na alitan ng dalawang kumander.
Dahil sa insidente, napilitan ang mga sibilyan sa lugar na lumikas, bagaman wala pang eksaktong datos ang militar kung ilang pamilya ang naapektuhan.
Ayon sa mga awtoridad, humupa na ang sitwasyon noong Huwebes, Marso 5, ngunit patuloy pa ring mino-monitor ng militar ang lugar upang maiwasan ang panibagong karahasan. Mary Anne Sapico