MANILA, Philippines – Wala umanong top-secret na impormasyon ang nakompromiso sa umano’y foreign-backed espionage activities na kinasasangkutan ng ilang Pilipino, ayon kay National Security Adviser Eduardo Año.
Sa ambush interview, sinabi ni Año na may ilang sensitibong impormasyon na maaaring nakuha, kabilang ang mga iskedyul ng rotation at resupply missions sa West Philippine Sea, ngunit walang top-secret data ang na-leak.
“May mga sensitive information pero hindi naman ganyan kataas. Walang anumang top secret information,” ani Año.
“Sabihin natin na may ibang sensitive katulad noong sa schedule ng mga [rotation and resupply mission] before, may mga ibang usapan na within internal, pero walang damage sa atin,” dagdag pa niya.
Nanawagan din si Año sa mga kawani ng pamahalaan at miyembro ng security sector na agad iulat sa kanilang mga nakatataas ang anumang pagtatangkang recruitment ng mga dayuhang entidad.
Tatlong Pilipino ang naaresto kaugnay ng umano’y Chinese-linked espionage. Sila ay dating nagtrabaho sa Department of National Defense at sa Philippine Navy, at may malapit na access sa isang miyembro ng Philippine Coast Guard.
Ayon kay Jay Tarriela, ang impormasyong umano’y na-leak ay may kinalaman sa operasyon ng Pilipinas sa West Philippine Sea, partikular sa mga resupply mission noong mga nakaraang taon.
Nilinaw niya na ang indibidwal na sangkot sa leak ay hindi opisyal o empleyado ng Philippine Coast Guard kundi isang taong malapit sa isang personnel.
“The investigation is still ongoing and the subject individual is cooperative to the NSC and to all those means for us to investigate further,” ani Tarriela.
“I think the main consideration that we need right now as an adjustment is to have a more secure way in handling the information with regard to our operations in the WPS,” dagdag pa niya.
Samantala, kinumpirma ni Roy Vincent Trinidad na isang dating Navy personnel ang may kaugnayan sa espionage activities. Aniya, dati itong researcher sa Department of National Defense bago lumipat sa Philippine Navy.
Ayon kay Trinidad, ang modus operandi ng mga sangkot ay ang pagre-recruit ng mga indibidwal sa pamamagitan ng online job platforms, kadalasang target ang mga bagong graduate.
“So may kokontak sa kanila, would you like to work for..as we are a consulting firm, you will be a columnist or analyst ka et cetera. Could you submit to us your example of your write-up o yung output mo,” aniya.
“Then, pag-submit ‘yan before you know it, they will slowly tell you what to write about. And may financial consideration ito. If they like what you are writing, may papadala silang pera. Through GCash or yung other electronic means of transferring,” dagdag pa niya.
Sinabi rin ni Trinidad na nagkakaiba ang antas ng sensitibidad ng mga impormasyong nakompromiso depende sa access ng bawat indibidwal, at ang ilan dito ay maaaring magamit ng mga dayuhang kalaban sa mga operasyon sa West Philippine Sea.
Ayon pa sa kanya, nasa kustodiya na ng Armed Forces of the Philippines ang sangkot na Navy personnel at nakikipagtulungan na sa mga awtoridad.
Patuloy din ang lifestyle at loyalty checks sa loob ng militar upang matukoy ang posibleng insider threats. Santi Celario