Home NATIONWIDE VP Sara walang kinalaman sa banta sa buhay ni Madriaga – abogado

VP Sara walang kinalaman sa banta sa buhay ni Madriaga – abogado

159
0

MANILA, Philippines – Iginiit ni Vice President Sara Duterte na wala siyang kinalaman sa umano’y banta sa buhay ng kanyang dating aide na si Ramil Madriaga, ayon sa kanyang abogado na si Paolo Panelo Jr.

Sa pahayag nitong Biyernes, sinabi ni Panelo na sinusuportahan pa nga ng kampo ni Duterte ang panawagan na dagdagan ang seguridad para kay Madriaga.

“We want him alive and in the pink of health because he’s the only one who can admit that he made up his testimony against the Vice President, and identify his handlers,” ani Panelo.

“If he stands firm on his testimony, we want him to come forward and add details to his overly general and obviously fabricated accusations, so we can shatter his testimony even more,” dagdag pa niya.

Nilinaw naman ng Bureau of Jail Management and Penology na ang umano’y banta sa buhay ni Madriaga ay nag-ugat sa isang alitan sa kapwa person deprived of liberty sa Taguig City Jail.

Nauna nang humingi ng tulong ang kampo ni Madriaga sa National Bureau of Investigation upang matukoy ang tunay na kalagayan ng sinasabing death threat, ang pagkakakilanlan ng sangkot na bilanggo, at kung may mga ipinatupad na hakbang para sa kanyang seguridad.

Noong Miyerkules, naghain si Duterte ng kasong perjury laban kay Madriaga matapos nitong igiit na pinondohan umano ng mga drug dealer at Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) ang kanyang kampanya.

Noong Disyembre 2025, sinabi ni Madriaga na ang mga naturang grupo ang nagpondo sa Inday Sara Duterte is My President (ISIP) Pilipinas national campaign at iba pang kaugnay na grupo.

Isinama ang naturang alegasyon sa impeachment complaint laban sa Bise Presidente.

Itinanggi naman ni Duterte na mayroon siyang personal na ugnayan kay Madriaga at iginiit na wala itong maipakitang ebidensya o dokumento upang patunayan ang kanyang mga paratang.

Ayon pa sa Bise Presidente, maaaring kumikilos si Madriaga dahil sa desperasyon upang makalaya sa detensyon at pahinain ang posibleng pagtakbo niya sa pagkapangulo. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here