Home METRO Bong Revilla naghain ng petisyon para makapagpiyansa sa flood control case

Bong Revilla naghain ng petisyon para makapagpiyansa sa flood control case

170
0

MANILA, Philippines – Naghain ng petisyon para sa piyansa ang dating senador na si Ramon Bong Revilla Jr. sa Sandiganbayan Third Division kaugnay ng kasong malversation na may kinalaman sa umano’y anomalya sa P92.8-milyong flood control project sa Pandi, Bulacan.

Kinumpirma nitong Biyernes ni Francesca Señga, tagapagsalita ng legal team ni Revilla, na naihain na ang petisyon para sa piyansa ng kanyang kliyente.

“The court should resolve it within a period of 30 [working] days. This [malversation] charge is non-bailable. But if we can show that the evidence of guilt is not strong, the bail becomes a matter of right,” ani Señga.

“Then prosecution has to prove whether the evidence of guilt is not strong. This is a part of the process,” dagdag pa niya.

Sa pre-trial ng kaso, sinabi ng mga government prosecutor sa anti-graft court na plano nilang magharap ng 20 testigo sa bail hearing.

Ayon kay Señga, hindi nakabatay sa dami ng testigo ang magiging resulta ng pagdinig.

“Hindi po nakasalalay sa dami ng testigo ‘yan. Kahit mag-present ka ng isang daan o limang daan o isang libong testigo, kung lahat naman ng testigo na ‘yan eh walang personal na knowledge o walang alam… iyong tinatawag natin sa rules of evidence na walang credibility or probative value [ang testimony], wala pa ring magiging masamang epekto ‘yun,” aniya.

“Hindi ‘yan [depende] sa dami, pero sa kung ano iyong sasabihin nila, kung ‘yung meron ba silang ebidensiya na masasabi na maipapakita na na-commit talaga ‘yung crime,” dagdag pa niya.

Matapos maihain ang petisyon, iniutos ng Sandiganbayan na isagawa ang mga pagdinig sa bail sa loob ng 10 araw simula Abril 6.

Nauna nang naglagak si Revilla ng P90,000 piyansa sa hiwalay na kasong graft kaugnay ng parehong umano’y ghost flood control project sa Bulacan na dinidinig naman ng Sandiganbayan Fourth Division.

Ayon sa mga prosecutor ng Office of the Ombudsman, pinadali umano ni Revilla at ng anim pang akusado ang pagpapalabas ng pondo para sa proyekto, nagsumite ng pekeng accomplishment reports, naglabas ng fraudulent billing documents, at idineklarang tapos na ang proyekto kahit walang aktwal na konstruksyon. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here