MANILA, Philippines – Nagtatago na ngayon ang 18 umano’y dating miyembro ng Philippine Marine Corps matapos makatanggap ng mga banta sa kanilang seguridad, ayon sa United People’s Initiative (UPI).
Ayon kay UPI Secretary General at retiradong kapitan na si Rey Valeros Jr., napilitan ang grupo na umiwas sa publiko dahil sa mga natatanggap na banta.
“Dahil sa security threat kailangan nilang hindi maging visible lagi. ‘Yung word na ‘nagtatago’, yes nagtatago silo dahlil may threat,” ani Valeros sa isang ulat.
Sinabi ni Valeros na lahat ng 18 indibidwal ay nakatanggap ng banta sa seguridad ngunit hindi niya ibinigay ang iba pang detalye. Dagdag pa niya, may sarili umanong paraan ang grupo upang matukoy kung may mga bantang nakatutok sa kanila.
“May ways sila para ma-detect ang mga threat. Kahit ako naga-advise ako sa kanila pag may nakikita akong unusual movements or nagmo-monitor sa Manila,” aniya.
“Normal yan dahil pino-protektahan natin ang 18 Marines natin,” dagdag pa niya.
Nauna nang inakusahan ng abogado na si Levito Baligod at ng 18 umano’y dating Marines ang ilang indibidwal na tumanggap umano ng pera mula kay dating Zaldy Co, na dating kinatawan ng Ako Bicol.
Itinanggi ng mga opisyal at indibidwal na nabanggit ang mga paratang. Sinabi rin ng Philippine Navy na apat sa 18 indibidwal ay hindi kailanman naging miyembro ng Navy o ng Marine Corps.
Kasalukuyang iniimbestigahan ng National Bureau of Investigation ang kredibilidad ng mga ito at ang kanilang mga pahayag.
Samantala, naghain na ng kasong perjury si dating senador na si Antonio Trillanes IV laban sa umano’y 18 dating Marines kaugnay ng mga alegasyon ng isang umano’y scheme na may kinalaman sa mga imbestigador ng International Criminal Court. RNT