Home NATIONWIDE Rep. Suntay kinasuhan sa Ombudsman sa Anne Curtis issue

Rep. Suntay kinasuhan sa Ombudsman sa Anne Curtis issue

182
0

MANILA, Philippines – Kinasuhan sa Office of the Ombudsman si Representative Bong Suntay kaugnay ng kanyang pahayag tungkol sa aktres na si Anne Curtis.

Ang siyam na complainant, kabilang ang mga miyembro ng World March of Women, ay nagsabing nilabag ni Suntay ang Safe Spaces Act, Magna Carta of Women, at Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.

Binanggit sa reklamo ang naging pahayag ni Suntay sa pagdinig ng House justice panel tungkol sa mga impeachment complaint laban kay Sara Duterte:

“.. Lastly, alam mo, minsan, nasa Shangri-la ako, nakita ko si Anne Curtis. Ang ganda-ganda pala niya. You know, may desire sa loob ko na nag-init talaga. Naimagine ko na lang kung anong pwedeng mangyari. Pero syempre, hanggang imagination lang yun. Pero hindi naman siguro ako pwedeng kasuhan dahil kung anu-ano ang na-imagine ko, e.”

Ayon sa mga complainant, lalo pang lumala ang sitwasyon nang ipagtanggol ni Suntay ang kanyang pahayag matapos hilingin ng ilang kasamahan niyang mabura ito sa rekord. Aniya, “We are starting a dangerous precedent. We are censuring manifestations that which is (sic) neither illegal or immoral.”

Ginamit ni Suntay ang pahayag bilang depensa sa naunang sinabi ni Duterte na mayroon siyang “desire” na alisin sa puwesto ang ulo ni Ferdinand Bongbong Marcos Jr., at iginiit na ang pagkakaroon ng pagnanais ay hindi awtomatikong krimen.

“It is by these reasons that we bring this matter before the Office of the Ombudsman, praying that your good Office shall investigate these acts, and apply the appropriate penalties according to laws and standards,” ayon sa reklamo.

Nahaharap na si Suntay sa ethics complaint sa House of Representatives of the Philippines kaugnay ng parehong pahayag.

Humingi na rin ng paumanhin si Suntay at sinabi niyang ikinalulungkot niya kung may mga nasaktan sa kanyang mga sinabi, ngunit iginiit na hindi ito malisyoso o may sexual intent. Naglabas din siya ng panibagong pahayag ng paghingi ng tawad:

“Humihingi po ako ng taos-pusong paumanhin sa mga taong nasaktan o na-offend sa aking naging paliwanag sa committee hearing on justice. Ginagalang ko ang damdamin ng aking mga kasamahan at ng ating mga kababayan. Hindi ko po layunin na makabahala, much less offend, at lalong hindi ko intensyon na maliitin, bastusin, o balewalain ang damdamin ng sinuman. Magsisilbi po itong paalala sa akin na maging mas maingat sa pagpili ng mga halimbawa at pananalita sa mga pampublikong talakayan.” Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here