MANILA, Philippines – Nag-anunsyo ang GCash na hindi muna ito maniningil ng transaction fees para sa mga gumagamit nito sa Gitnang Silangan sa gitna ng patuloy na armadong tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran.
Sa advisory, sinabi ng GCash na libre ang bank transfers, bills payments, at buy load purchases para sa mga user sa United Arab Emirates, Saudi Arabia, Qatar, Bahrain, Kuwait, at Oman.
“To our kababayans in the Middle East, your safety and connection to your loved ones matter. During these uncertain and difficult times, we stand with you,” ayon sa advisory.
Ayon sa kumpanya, makakatanggap ng cashback sa Marso 20 ang mga transaksyon na ginawa mula Marso 4 hanggang 10, habang ang mga transaksyon mula Marso 11 hanggang 14 ay makakakuha ng cashback sa Marso 27.
“Through this initiative, we hope to support overseas Filipinos in staying connected with their families back home, and accessing assistance without additional financial strain,” ayon pa sa kumpanya.
Lalong tumindi ang tensyon sa Gitnang Silangan matapos mapatay sa US-Israeli airstrikes ang Iranian Supreme Leader na si Ayatollah Ali Khamenei, na kalauna’y kinumpirma ng Iranian state media.
Nauna nang sinabi ni Donald Trump na magpapatuloy ang combat operations sa Iran hanggang makamit ang lahat ng layunin ng operasyon. Kinumpirma rin niya na tatlong US service members ang nasawi at posibleng madagdagan pa ang bilang ng casualties. RNT