Home NATIONWIDE Pagtanggal ng online groups na ginagamit sa child trafficking, ipinanawagan ng NACC...

Pagtanggal ng online groups na ginagamit sa child trafficking, ipinanawagan ng NACC sa Meta

145
0

MANILA, Philippines – Nanawagan ang National Authority for Child Care kay Meta Platforms Philippines na agad tanggalin ang Facebook groups at accounts na umano’y ginagamit para sa online child trafficking, ilegal na adoption, at iba pang uri ng pagsasamantala sa bata.

Ayon kay NACC Undersecretary Janella Ejercito, dapat ipatupad ng mga social media platform ang kabuuang pagbabawal sa mga grupong nagiging plataporma para sa “online baby selling” at iba pang child exploitation. Idinagdag niya na responsable ang mga ito sa ilalim ng R.A. 11862 o Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2022 kung pinapayagan nilang magamit ang kanilang serbisyo para sa trafficking sa pamamagitan ng kapabayaan.

Lumabas ang apela matapos ang operasyon ng Philippine National Police–Women and Children Protection Center sa San Pedro, Laguna noong Pebrero 26, kung saan na-rescue ang apat na bata at naaresto ang dalawang suspek na nagtangkang ibenta ang limang araw gulang na sanggol sa halagang PHP35,000.

Ayon sa awtoridad, sinubukan din ng suspek na ibenta ang isang dalawang taong gulang na bata. Tatlong iba pang bata na edad 2, 11, at 12 ay nasagip din. Ang mga bata ay kasalukuyang nasa proteksyon habang tinutukoy ang angkop na plano para sa kanila.

Maaaring kasuhan ang mga suspek sa ilalim ng Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2022 at Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here