MANILA, Philippines – Hindi abo ng mga alagang hayop kundi iba pang elemento ang laman ng mga urn na ibinigay sa mga pet owner ng kontrobersyal na pet crematorium sa Bacoor, Cavite, batay sa forensic examination ng National Bureau of Investigation (NBI).
Ayon kay Philippine Animal Welfare Society (PAWS) Executive Director Anna Cabrera, natukoy sa pagsusuri ng NBI Forensic Laboratory ang silicon, iron, potassium at aluminum sa mga urn na isinumite ng mga nagrereklamong pet owner.
Sinabi ni Cabrera na hindi dapat matagpuan ang mga naturang elemento kung tunay na abo ng mga sinunog na hayop ang laman ng mga urn.
Dahil dito, muling nagtungo sa Department of Justice (DOJ) ang limang pet owner, kasama ang NBI at PAWS, upang magsampa ng limang bilang ng kasong estafa at paglabag sa Ecological Solid Waste Management Act laban sa may-ari ng Ahjay Paws Aftercare Pet Crematorium at tatlo pang indibidwal.
Ayon naman kay NBI Director Melvin Matibag, mas tumibay ang kaso dahil sa resulta ng laboratory examination na nagsisilbing pisikal at siyentipikong ebidensiya.
Una nang nadiskubre ang mga labi ng mga aso at pusa sa isang bakanteng lote sa San Jose del Monte, Bulacan, na umano’y kabilang sa mga hayop na ipinagkatiwala sa crematorium para sunugin.
Batay sa imbestigasyon, ipinapaubaya umano ng crematorium sa ibang indibidwal ang pagsasagawa ng cremation, na nauwi sa umano’y hindi wastong pagtatapon at paglilibing sa mga labi ng mga hayop.
Umaabot umano sa P6,000 hanggang P12,000 ang sinisingil ng establisimyento para sa cremation service.
Samantala, sinabi ni Cabrera na nagpapatuloy ang kanilang pangangalap ng ebidensiya at paghahanap ng iba pang nagrereklamong pet owner upang mapag-aralan ang pagsasampa ng kasong syndicated estafa.
Bukod sa limang pet owner na naghain ng reklamo sa DOJ, mayroon pang siyam na nagreklamo sa Bacoor Police, habang anim na karagdagang kaso ang inaasahang tutulungan ng PAWS na maisampa.
Hindi pa nagpapakita ang mga may-ari ng crematorium upang harapin ang mga reklamong isinampa laban sa kanila.
Nanawagan naman ang mga apektadong pet owner na humarap ang mga sangkot at panagutan ang umano’y panlilinlang sa mga nagtiwalang ipinagkatiwala sa kanila ang labi ng kanilang mga alagang hayop. RNT