Home OPINION PHILHEALTH YAKAP: LIBRENG KONSULTA, LABORATORY, GAMOT SA MGA NAGPAREHISTRO

PHILHEALTH YAKAP: LIBRENG KONSULTA, LABORATORY, GAMOT SA MGA NAGPAREHISTRO

342
0

BINABAGO na ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang mukha ng serbisyong medikal sa bansa sa pama­magitan ng paglulunsad ng YAKAP o ang “Yaman ng Kalusugan Program.” Sa ilalim ng masigasig na pamumuno ni PhilHealth President at CEO Dr. Edwin Mercado, ang programang ito ay nagsisilbing mas pinalakas na bersyon ng PhilHealth Konsulta, na layong yakapin ng kalinga ang bawat Filipino.

Ang pangunahing layunin ng YAKAP ay tiyakin na ang mga rehistradong miyembro ay makakukuha ng de-kalidad na serbisyong pangkalusugan nang hindi nag- aalala sa malaking gastos. Bini­bigyang-diin ng PhilHealth na ang susi upang mapakinabangan ang mga benepisyong ito ay ang maagang pagpaparehistro sa ka­nilang mga accredited Konsul­ta provider.

Libreng Gamot at Laboratory para sa lahat ng Filipino

Sa ilalim ng pinalakas na be­nepisyo ng YAKAP, ang mga miyembrong nakarehistro na ay maaari nang mag-avail ng mga sumusunod na serbisyo nang wa­lang bayad:

– Pagsusuri ng Dugo: Ka­sa­ma rito ang Complete Blood Count (CBC), Fasting Blood Su­gar (FBS) para sa diabetes, at Lipid Profile para sa kolesterol. Mayroon ding Creatinine test para masuri ang kalusugan ng kidney, lalo na para sa mga may high blood.

– Imaging at Diagnostic Tests: Libreng Chest X-ray at Sputum Examination para sa mga may hinala ng Tuberculosis (TB) o Pneumonia, gayundin ang ECG (Electrocardiogram) para sa kondisyon ng puso.

– Routine Tests: Kasama ang Urinalysis at Fecalysis para ma­­tu­koy ang mga impeksyon at problema sa tiyan.

– Libreng Gamot: Hindi lamang konsultasyon ang libre; may­roon ding mga kaakibat na maintenance medicines para sa mga piling sakit tulad ng hika, altapresyon, at diabetes.

Pag-abot sa mga Liblib na Lugar (GIDA)

Ayon kay Dr. Mercado, ang YAKAP ay sumasagisag sa ma­lasakit ng pamahalaan, lalo na sa mga kababayan nating nasa Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDA). Sa mga nakalipas na taon, marami ang pumanaw sa mga probinsya nang hindi man lamang naka­tikim ng pagsusuri ng doktor.

Sa programang ito, ang PhilHealth na mismo ang lumalapit upang maagapan ang anomang sakit bago pa ito lumala.

Hinihimok ng PhilHealth ang lahat ng mga Filipino na magparehistro na sa kanilang lokal na health center o accredited clinic upang maging bahagi ng YAKAP. Ito ay bahagi ng mas malawak na mithiin ng gobyerno para sa Universal Health Care, kung saan ang kalusugan ay ka­rapatan ng lahat at hindi pribilehiyo ng iilan lamang.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here