MANILA, Philippines – Sinabi ni Vice President Sara Duterte na alam na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga hakbang para ipa-impeach siya, sa kabila ng pagtanggi sa naturang isyu nang komprontahin noong mga nakaraang taon.
Sa weekly program ng Office of the Vice President (OVP), inalala ni Duterte na ilan sa mga miyembro ng Kamara ang nagpaplano nang ipa-impeach siya mula pa noong 2023 dahil sa umano’y maling paggamit ng confidential funds.
Idinagdag pa ni Duterte na ang pagdinig ng Kamara kaugnay sa confidential funds ay layong maging isang “fishing expedition” para sa mga ebidensya laban sa kanya.
Ani Duterte, target ng Marcos administration na maging susunod na presidente si dating Speaker at Leyte First District Representative Martin Romualdez at isinusulong naman ng mga ka-alyansa nito ang Charter change sa pamamagitan ng people’s initiative (PI).
“Kinompronta ko nang diretso si BBM sabi ko sa kaniya, ‘Bakit mayroong pagpaplano ng impeachment sa House of Representatives sa akin? Alam niyo si BBM English ‘yan eh, ‘Oh that’s not true. There’s nothing like that,'” ayon pa kay Duterte.
“Natigil ‘yung denial niya kasi sa sobrang daldal niya, lumabas sa bibig niya na ang prioridad daw is Charter change,” pagpapatuloy ni Duterte.
Anang Bise Presidente, narinig ni Senador Marcos ang usapan ng mga ito at kinwestyon ang kanyang kapatid tungkol sa Charter change na sagot naman sa kanya ay para sa “economic provisions.”
Idinagdag pa ni Duterte na mayroong usapan na alisin ang OVP at pahabain ang termino ng mga miyembro ng Kamara.
“Doon ‘yon, na-confirm ko na alam ni BBM ‘yung ginagawa, bilihan ng signature sa people’s initiative doon sa discussion namin kasama si Sen. Imee Marcos. November 2023 ‘yun.”
“Noong lumapit siya sa akin, nasa hagdanan na siya, sinabi niya sa akin, ‘Don’t worry I’ll take care of you.’ So nagulat ako. Na parang, nagsinungaling ka kagabi na hindi mo alam ang impeachment. Kasi bakit ka naman magsasabi ng ‘I’ll take care of you?'”
“Ang tagal namin nagsama sa kampanya, halos mamatay-matay na kami sa init, sa dehydration, sa pagod, hindi naman nagsabi yan ng ‘I’ll take care of you?’ Tapos bigla meron akong kinumpronta sa iyo na usapang impeachment sa House of Representatives, ibubulong mo sa akin bago ka umalis, ‘I’ll take care of you’? Why do you need to take care of me? You know something, ‘di ba?”
Nang tanungin si Duterte kung si Marcos, kasama si Romualdez, ay kabilang sa pagpaplano para sa kanyang impeachment, sinabi niya na:
“Kasama siya doon, kasi bakit mo naman i-deny tapos sasabihin mo I’ll take care of you? Hindi niya siguro naisip na mahuhuli ang pagsisinungaling niya by his words the next day,” aniya.
Walang tugon si Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro kaugnay sa isyu at sinabing hindi ito oras para sa usaping politika lalo’t mataas ang tensyon sa Middle East.
“Hindi po napapanahon ngayon ang pamumulitika at pag-angat sa sarili. Abala po ang Pangulo ngayon para marinig ang boses ng Pilipinas na sumisigaw para sa kapayapaan at seguridad ng bawat isa lalo na ng mga kababayan natin. Abala rin po ang Pangulo natin na maibsan ang epekto sa ating bayan at taumbayan ng nangyayari sa Middle East. Ang tapang ng isang leader ay makikita sa tunay na malasakit hindi sa salita kundi sa pagganap sa tungkulin para sa bayan at para sa bansa.”
Ngayong linggo ay natukoy ng House Committee on Justice ang dalawang impeachment complaints laban kay Duterte na sufficient in substance. RNT/JGC