Home NATIONWIDE P17–P24 oil price hike ngayong linggo hahati-hatiin – DOE

P17–P24 oil price hike ngayong linggo hahati-hatiin – DOE

176
0

MANILA, Philippines — Inaasahang tataas ng P17 hanggang P24 kada litro ang presyo ng produktong petrolyo ngayong linggo, ngunit ipatutupad ito nang paunti-unti sa loob ng pitong araw, ayon sa Department of Energy (DOE).

Sa pagdinig ng House committee on ways and means, sinabi ni Energy Secretary Sharon Garin na magsisimula ang pagtaas mula Martes hanggang Lunes ng susunod na linggo.

“The price now is not the highest in history, but the one coming… that will be implemented tomorrow will be the highest jump,” ani Garin.

Ipinaliwanag ng kalihim na hindi maaaring direktang kontrolin ng pamahalaan ang presyo ng langis dahil deregulated ang industriya ng petrolyo.

Aniya, ang oil companies ang nagsusumite sa DOE ng kanilang plano sa price adjustment at tinatayang nasa P17 hanggang P24 kada litro ang kabuuang itataas ngayong linggo.

Gayunman, pumayag umano ang mga kumpanya na ipatupad ang pagtaas nang paunti-unti upang hindi maramdaman agad ng mga motorista ang biglaang pagtaas.

“Hindi isang bagsakan na P20 agad tomorrow,” paliwanag ni Garin.

Ayon pa sa DOE, may ilang kumpanya na magpapatupad ng dagdag na P2.50 kada litro bawat araw, habang ang iba ay maaaring magtaas ng hanggang P10 kada litro simula Marso 10.

Nakasalalay ang pagtaas ng presyo sa galaw ng Dubai crude oil at sa international market.

Ang pagmahal ng langis ay iniuugnay sa tumitinding tensyon sa Middle East matapos ang pinagsamang operasyon ng Estados Unidos at Israel na naglunsad ng airstrikes laban sa Iran, na sinagot naman ng Tehran ng retaliatory attacks sa mga base ng US sa rehiyon.

Tinatayang 98% ng crude oil supply ng Pilipinas ay inaangkat mula sa Middle East. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here