Home NATIONWIDE Marcoleta kinuwestiyon si Lacson sa ‘di pagdinig sa ‘ex-Marines’ 

Marcoleta kinuwestiyon si Lacson sa ‘di pagdinig sa ‘ex-Marines’ 

156
0

MANILA, Philippines — Kinuwestiyon ni Senator Rodante Marcoleta nitong Lunes si Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson kung bakit hindi nagsagawa ng pagdinig ang Senate Blue Ribbon Committee sa alegasyon ng 18 umano’y dating Marines na naghatid ng mga maleta ng pera mula kay dating kongresista Zaldy Co patungo sa ilang opisyal ng pamahalaan.

Sa kanyang privilege speech, sinabi ni Marcoleta na lumantad ang mga umano’y dating Marines upang ibunyag ang kanilang nalalaman tungkol sa umano’y malawakang pandarambong sa kaban ng bayan.

“Sila po ay nagpahayag ng kanilang mga nalalaman tungkol dito sa malupit na pandarambong sa kaban ng bayan […] Bukod pa rito, isa sa mga nagsalitang ex-Marines ang tumestigong isinama siya ni Zaldy Co nang maghatid daw ng limang malalaking maleta sa bahay ng Pangulo sa Ilocos Norte,” ani Marcoleta.

“Pero ano po ang ginawa ng Chairman ng BRC? Sa halip na iharap sa taong bayan at diretsahang tanungin sa kanilang mga pahayag, kaagad na pinag-alinlanganan ang kanilang kredibilidad. Bago pa man masuri ang kanilang mga salaysay sa harap ng Senado, tila ay nabuo na ang konklusyon sa mismong Chairman na dapat sana ay magsiyasat nito,” dagdag niya.

Kinuwestiyon din ni Marcoleta kung bakit hindi ipinatawag sa pagdinig ang iba pang personalidad na umano’y sangkot sa flood control controversy, kabilang si dating Department of Justice Undersecretary Jojo Cadiz na nagbitiw matapos maituring na “bagman” sa naturang isyu.

Binanggit din niya ang pahayag ni Lacson sa isang panayam na may hindi bababa sa limang Cabinet secretaries at iba pang opisyal na may bilyun-bilyong “allocables” sa 2025 budget, ngunit hindi umano pinangalanan o ipinatawag ang mga ito sa mga pagdinig ng Senado.

“Given the seriousness of these allegations, one cannot help but ask: Why has Usec. Cadiz not yet been invited to testify before the BRC? The public deserves answers, but some key witnesses remain uninvited,” ani Marcoleta.

Iginiit din ng senador na hindi pa nailalabas ang partial committee report ng Blue Ribbon Committee.

“Natapos ang Disyembre 2025 – walang report,” aniya.

Nauna nang kinuwestiyon ni Lacson ang kredibilidad ng mga alegasyon ng 18 umano’y dating Marines at sinabing hindi dapat magbanggit ng mga numero na walang sapat na basehan, na tumutukoy sa umano’y P805-bilyong cash delivery scheme.

“I am not alone in doubting the credibility of the statements attributed to the 18 ‘ex-Marine’ personnel, since many have shared my computation,” ani Lacson.

Iginiit din niya na tungkulin ng Blue Ribbon Committee na tuklasin ang katotohanan at hindi maging plataporma para sa mga alegasyong walang sapat na ebidensya.

Bilang tugon, sinabi ni Lacson na sasagutin niya ang mga paratang ni Marcoleta sa Martes.

“Nagsabi na ako may SP na bukas ay sasagutin ko punto por punto ang kulang na kulang sa research at fact-check niyang privilege speech,” ani Lacson.

Dagdag pa niya, nakatanggap na umano ang tanggapan ni Marcoleta ng kopya ng partial committee report ng Blue Ribbon Committee.

“For one, I have it on record that his office already received a copy of the BRC partial committee report as early as February 11, both hard and soft copies but he has not signed it even with a ‘I dissent’ remark,” aniya.

“It follows that as chairman I was the first to sign before routing the same contrary to his claim that I did not.”

“I don’t know how he can lie through his teeth in his privilege speech,” dagdag pa ni Lacson. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here