MANILA, Philippines – TINATAYANG nasa higit P6 milyon halaga ng hinihinalang iligal na droga na nakatago sa mga abandonadong parcel ang nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC), katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at iba pang law enforcement agencies sa isinagawang operasyon sa Central Mail Exchange Center sa Pasay City noong Marso 6, 2026.
Isinagawa ang operasyon bilang bahagi ng pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga alinsunod sa direktiba ni Ferdinand R. Marcos Jr. na higpitan ang pagbabantay sa pagpasok ng kontrabando sa bansa.
Nabatid sa BOC, nakumpiska ng mga awtoridad ang 795 tablet ng MDMA o ecstasy, na humigit-kumulang 1,096 gramo ng powdered ecstasy, 8 gramo ng cocaine, 14 gramo ng ketamine, at 11 gramo ng hindi pa matukoy na substance na natagpuan sa walong inbound parcels.
Ayon sa BOC, ang mga shipment ay maling idineklara bilang ordinaryong mga item upang makalusot sa inspeksyon ng customs.
Pinangunahan ang nasabing operasyon ng Customs Anti-Illegal Drugs Task Force ng BOC katuwang ang PDEA-NCR, Philippine National Police Aviation Security Group, Airport Police Department, PNP Drug Enforcement Group, National Bureau of Investigation (NBI), at Bureau of Immigration (BI).
Ayon kay BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno, mahalaga ang matibay na koordinasyon ng mga ahensya ng gobyerno upang mapigilan ang pagpasok ng ilegal na droga sa bansa.
Dagdag pa ng opisyal, patunay ang sunod-sunod na interdiction operations na mas pinaigting na ng BOC ang kampanya laban sa droga at iba pang kontrabando sa mga pantalan at paliparan ng bansa.
Samantala, pinuri rin ni Nepomuceno ang BOC-NAIA sa pamumuno ni Yasmin O. Mapa at tiniyak ng opisyal na magpapatuloy ang mahigpit na pagbabantay upang hindi makalusot ang iligal na droga sa mga international gateway ng Pilipinas. JAY Reyes