Home NATIONWIDE ₱10K ayuda sa 3,700 senior sa Maynila, umarangkada

₱10K ayuda sa 3,700 senior sa Maynila, umarangkada

243
0

NASA higit 3,700 senior citizen sa Lungsod ng Maynila ang nakatanggap na ng tig-₱10,000 cash gift matapos maabot ang milestone ages sa ilalim ng Expanded Centenarians Act of 2024.

Pinangunahan ng pamahalaang lungsod ang pamamahagi nitong Lunes, Marso 9, katuwang ang National Commission of Senior Citizens (NCSC) para sa mga benepisyaryong senior sa lungsod.

Nabatid sa lokal na pamahalaang Lungsod na nasa kabuuang 3,703 matatanda ang nabigyan ng cash incentive matapos umabot sa edad na 80, 85, 90 at 95, alinsunod sa probisyon ng Republic Act No. 11982.

Nagpasalamat naman si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso kay Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagpapatupad ng batas na nagpapalawak ng benepisyo para sa mga nakatatanda.

Ayon kay Domagoso, dati ay para lamang sa mga centenarian o 100 taong gulang pataas ang insentibo ngunit ngayon ay pinalawak na upang makinabang ang mas maraming senior citizens.

Dagdag pa ng alkalde, matagal na ring may sariling programa ang Maynila para sa mga matatanda kung saan nagbibigay ang lungsod ng ₱500 buwanang ayuda sa mga senior citizens.

Aniya, walang pinipiling estado sa buhay ang programa dahil pare-parehong tumatanggap ang mayaman, middle class at mahihirap na senior citizens sa lungsod.

Tiniyak din ni Yorme Isko na magpapatuloy ang pamahalaang lungsod sa pagpapalakas ng mga programa at serbisyo para sa mga lolo at lola, kabilang ang tulong pinansyal at mga programang pangkalusugan para sa matatanda sa Maynila. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here