MANILA, Philippines — Sinabi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) nitong Biyernes na naglaan ang ahensya ng P30 bilyon para sa tulong-pinansyal sa mga Pilipinong apektado ng pagtaas ng presyo ng langis, kabilang ang mga tricycle at jeepney drivers.
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, manggagaling ang pondo sa Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng ahensya, na magbibigay ng P5,000 kada benepisyaryo.
“Ang entrada sa loob ng libro ng general appropriations, P60 billion ‘to. At ang instruction sa amin ng ating Pangulo is P30 billion ilaan kaagad kasi hindi natin alam kung kailan ‘to matatapos,” ani Gatchalian.
Inihayag niya na sisimulan ang unang rollout sa Metro Manila, kung saan tinatayang 139,000 tricycle drivers ang nakapaloob sa listahan ng potensyal na benepisyaryo. Nakaiskedyul ang pamamahagi sa Martes, Marso 17, at palalawakin sa buong bansa pagkatapos nito.
Hiwalay ang tulong na ito sa fuel subsidy na ibinibigay ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Kailangan lamang ng benepisyaryo na magdala ng valid driver’s license at photocopy sa payout, na iko-verify ng DSWD upang maiwasan ang iregularidad.
“So naka-standby yan, kung humaba to, handa ang gobyerno. Yung P5,000, kumbaga pauna yun eh, para masigurado lang natin na umaandar ‘to. Para mabilisan maramdaman kaagad ng mga tao na ang gobyerno nandito para sa kanila,” dagdag niya. Santi Celario