MANILA, Philippines — Nakipagkita si Bernie Lavarias, asawa ni Mary Anne de Vera, ang Pilipinang caregiver na napatay sa isang Iranian missile strike sa Tel Aviv, kay Israeli President Isaac Herzog noong Huwebes sa President’s Residence sa Jerusalem.
Ipinahayag ni Herzog ang pakikiramay at tiniyak kay Lavarias na makatatanggap siya ng pinansyal na tulong at buwanang stipend sa ilalim ng Israel compensation program para sa mga biktima ng digmaan sa pamamagitan ng national insurance system.
“On behalf of the State of Israel, I send my deepest condolences to Mary Ann’s family and the entire nation of the Philippines,” ani Herzog.
Ayon sa Philippine Embassy sa Israel, ibinahagi ni Herzog na minsan ang kanyang pamilya ay may Filipino caregiver at binigyang-diin ang kontribusyon ng mga Pilipino sa lipunang Israeli, lalo na sa gitna ng patuloy na hidwaan.
Binigyang-pasasalamat ni Ambassador Aileen Mendiola, na kasama si Lavarias, si Herzog sa suporta at inilahad ang kalungkutan ng Filipino community sa pagkawala ni Mary Anne at lima pang Pilipino na nasawi noong nakaraang digmaan sa Iran at sa October 7 attacks.
Binanggit din niya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng accessible shelters sa mga lugar ng trabaho ng Pilipino sa oras ng emerhensiya.
Kasama ng kanyang matandang ward si De Vera papunta sa shelter nang siya ay tinamaan ng shrapnel mula sa missile attack matapos ang joint military operation ng US at Israel sa Tehran noong Pebrero 28.
Sinamahan ni Lavarias ang labi ng kanyang asawa sa biyahe pabalik ng Maynila noong Huwebes ng gabi. Dave Baluyot