Home NATIONWIDE US magbibigay ng $10M reward sa makapagbibigay ng impormasyon sa top Iran...

US magbibigay ng $10M reward sa makapagbibigay ng impormasyon sa top Iran leaders

162
0

MANILA, Philippines — Nag-alok ang US State Department ng hanggang $10 milyon na pabuya sa makapagbibigay ng impormasyon tungkol sa bagong Supreme Leader ng Iran na si Mojtaba Khamenei at iba pang matataas na opisyal ng bansa.

Ayon sa pahayag ng US, kabilang din sa hinahanap na impormasyon ang tungkol kina Iran security chief Ali Larijani, Intelligence Minister Esmail Khatib, Interior Minister Eskandar Momeni, at dalawang opisyal mula sa tanggapan ni Khamenei.

Sinabi ng US State Department na ang mga nabanggit na opisyal ay umano’y may papel sa pamumuno sa iba’t ibang bahagi ng Islamic Revolutionary Guard Corps (IRGC), na kanilang inaakusahan ng pagpaplano at pagsasagawa ng terorist operations sa iba’t ibang panig ng mundo.

Hinikayat ng US ang sinumang may impormasyon na isumite ito sa pamamagitan ng secure channels tulad ng Tor o Signal.

Ayon sa ahensya, ang mga tipster ay maaari ring maging kwalipikado para sa relocation bukod pa sa cash reward.

Ang naturang alok ay bahagi ng “Rewards for Justice” program ng US na nagbibigay ng gantimpala kapalit ng impormasyon na magdudulot sa pagkakahuli o pag-uusig sa mga wanted na indibidwal.

Si Mojtaba Khamenei ang pumalit sa kanyang ama na si Ayatollah Ali Khamenei bilang Supreme Leader ng Iran matapos itong mapatay kasama ang iba pang matataas na opisyal sa joint US-Israel strikes na nagsimula noong Pebrero 28.

Pinaniniwalaang nasugatan si Mojtaba sa naturang mga pag-atake at hindi pa muling nakikitang lumabas sa publiko, bagama’t naglabas ito ng pahayag kamakailan.

Itinuring ng US ang IRGC bilang isang foreign terrorist organization at inaakusahan ang Iran na nasa likod ng mga pag-atake na ikinamatay ng ilang Amerikano.

Mariing itinatanggi naman ng Iran ang paratang at sinasabing ginagamit lamang ito ng Washington bilang dahilan upang ipataw ang mga parusa at presyur laban sa kanilang bansa. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here