Home NATIONWIDE VP Sara sa pagsagot sa impeachment complaints: Hintay na lang sila

VP Sara sa pagsagot sa impeachment complaints: Hintay na lang sila

161
0

DAVAO, Philippines – Sinabi ni Vice President Sara Duterte na hintayin na lamang ng House of Representatives of the Philippines kung magsusumite siya ng sagot sa dalawang impeachment complaints laban sa kanya, na inaasahang ihahain hanggang Lunes.

“Malapit naman ang Monday no? Hintayin natin kung magfa-file ako o hindi. Hintay na lang sila na mga taga-House of Representatives,” sabi niya sa panayam ng media sa Davao City.

Sinabi rin ni Duterte na ngayon lang niya narinig na kinukuwestiyon ang pagpili ng respondent sa sarili nitong mga abogado.

Ayon kay Terry Ridon, miyembro ng House Committee on Justice at kinatawan ng Bicol Saro Party-list, tatalakayin sa susunod na pagdinig sa Miyerkules, Marso 18, ang posibleng conflict of interest ng dalawang abogado ni Duterte—si dating Education Assistant Secretary for Procurement na si Reynold Munsayac at dating tagapagsalita ng Department of Education na si Michael Poa.

Hindi direktang sinagot ni Duterte ang isyu ng posibleng conflict of interest ng kanyang mga abogado.

“Ngayon ko lang narinig yung respondent ay hindi pinapayagan kung sino ang kanyang lawyers. Ngayon lang ako nakarinig ng circumstance na hindi pinapayagan ang respondent kung sino ang pinipili niya na lawyers. Hintayin na lang natin kung ano ang mangyayari,” aniya.

Nang tanungin kung may kinalaman ang impeachment sa isa pang “maleta,” na unang tinukoy bilang bagahe na umano’y may lamang pera para sa suhol ayon sa 18 dating Marines laban sa ilang pulitiko, sinabi ni Duterte na hintayin na lamang kung may lalabas na bagong larawan.

“Antayin natin tapos kunan natin ng pictures tapos ilabas na naman natin ang pictures tapos ilabas na naman natin yung pictures kung mayroong bagong maletas na lalabas,” sabi niya.

Sa kabila ng mga hamon mula nang magsimula ang kanyang pagiging bise presidente, sinabi ni Duterte na hindi niya personal na dinaramdam ang mga isyu laban sa kanya, ngunit hindi niya palalampasin ang mga ilegal na gawain laban sa bansa tulad ng korapsyon at abuso.

“Yung ginawa nila sa akin, personal yan sa akin. So bilang isang politician, natural na ganoon ang gagawin sa iyo. So wala lang yan sa akin. Pero ang ginawa nila sa bayan, yung korapsyon at yung abuso nila, hindi yan personal sa akin. So hindi natin yan palalampasin,” ayon sa kaniya. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here