Home NATIONWIDE Balde filtration kits, ipamamahagi ng DSWD sa mga sapul ng El Niño

Balde filtration kits, ipamamahagi ng DSWD sa mga sapul ng El Niño

1
0

MANILA, Philippines — Magpapamahagi ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng portable water filtration kits sa mga komunidad na nanganganib makaranas ng kakulangan sa malinis na inuming tubig dahil sa matinding El Niño.

Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian nitong Miyerkoles, Oktubre 14, maaaring ikabit ang filtration system sa ordinaryong balde upang salain ang naipong tubig-ulan at magamit bilang inuming tubig.

Sa isinagawang demonstration sa Malacañang, ipinakita ng DSWD kung paano ikabit ang filtration kit sa isang 20-litro na balde at salain ang tubig na hinaluan ng lupa.

Sinabi ni Gatchalian na maaaring tumagal nang hanggang limang taon ang filter kung maayos ang paglilinis at pagpapanatili nito.

Ayon sa kalihim, may sertipikasyon ang filtration system mula sa Food and Drug Administration (FDA), habang ipinakita sa pagsusuri na nakapasa ang sinalang tubig sa mga pamantayan ng Pilipinas para sa inuming tubig batay sa mga parameter na sinuri.

Hindi na rin bago ang paggamit ng naturang kagamitan dahil naipamahagi na ito ng DSWD sa Batanes matapos ang pananalasa ng Bagyong Julian noong 2024 at sa Davao Oriental noong 2025.

Bukod sa mga portable filtration kit, magsisimula rin ang ahensya sa susunod na linggo ng pagtatayo ng community rainwater-catching facilities sa Tondo, Maynila.

Plano ring maglagay ng katulad na pasilidad sa iba pang lugar na tinamaan ng kalamidad, kabilang ang Dinagat Islands.

Ang mga pasilidad ay idinisenyo upang makaipon ng tubig-ulan na maaaring magamit ng mga residente sa pamamagitan ng communal faucets.

Samantala, nagpapatuloy ang Project LAWA at BINHI ng DSWD na nakapagtatag na ng humigit-kumulang 5,000 maliliit na water impounding projects sa buong bansa.

Sa ilalim ng programa, binabayaran ang mga residente sa 20 araw na pagtatrabaho para sa paggawa ng maliliit na imbakan ng tubig at pagtatayo ng backyard gardens.

Layunin ng mga hakbang na matulungan ang mga komunidad na magkaroon ng alternatibong mapagkukunan ng tubig at pagkain sa gitna ng inaasahang matinding epekto ng El Niño. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here