Home NATIONWIDE Visayas grid, isinailalim sa yellow alert ngayong Huwebes

Visayas grid, isinailalim sa yellow alert ngayong Huwebes

1
0

MANILA, Philippines – Nakatakdang sumailalim sa yellow alert ang Visayas power grid mula alas-4 ng hapon hanggang alas-7 ng gabi ngayong Huwebes, Nobyembre 26, dahil sa limitadong reserbang suplay ng kuryente bunsod ng ilang planta na hindi makapagbigay ng buong kapasidad.

Sa abiso ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), umaabot sa 2,567 megawatts (MW) ang available capacity ng grid kumpara sa inaasahang peak demand na 2,480 MW.

Kabilang sa mga dahilan ng yellow alert ang hindi inaasahang pagkawala ng operasyon ng TVI 2 at pagbaba ng kapasidad ng TVI 1, gayundin ang nakatakdang maintenance shutdown ng PCPC at KSPC Unit 2.

Nakaapekto rin sa suplay ng kuryente ang limitadong power import mula sa Mindanao grid.

Ayon sa NGCP, nasa 616.1 MW ang kabuuang kapasidad na hindi magagamit dahil sa mga power plant na nakakaranas ng forced outage at mga pasilidad na tumatakbo sa mas mababang kapasidad.

Sa tala ng NGCP, 11 planta ang nakaranas ng forced outage mula Nobyembre, habang may iba pang planta na hindi pa rin bumabalik sa operasyon mula pa noong Oktubre, Setyembre, Agosto, Hunyo at mga nakaraang taon.

Samantala, 18 planta ang tumatakbo sa derated capacity o mas mababa sa kanilang normal na kakayahang mag-suplay ng kuryente.

Ipinaliwanag ng NGCP na nagdedeklara ng yellow alert kapag hindi sapat ang operating margin upang matugunan ang kinakailangang contingency reserve ng transmission grid.

Bagama’t sapat pa ang suplay upang tugunan ang kasalukuyang pangangailangan, manipis na ang reserbang kuryente kaya tumataas ang posibilidad ng rotational brownout sa mga lugar na sakop ng Visayas grid. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here