MANILA, Philippines – Arestado na ang isang lalaki na wanted sa kaso ng Attempted Murder sa isinagawang manhunt operation ng pulisya sa Valenzuela City.
Kinilala ni Valenzuela Police Chief PCO L Joseph Talento ang akusado na si alyas ‘Dan’, 39, residente ng lungsod at kabilang sa kanilang talaan ng mga Most Wanted Person.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) P/BGen. Christopher Dela Cruz, sinabi ni Col. Talento na nakatanggap ng impormasyon ang Police Sub-Station 1 na namataan ang akusado sa Barangay Paso De Blas.
Kaagad inatasan ni SS1 Commander PCPT Manuel Cristobal sina PMSg Rexlon Permejo, Pat Randy Oray, at Pat Roi Retchie Amadora na magsagawa ng beripikasyon sa naturang lugar.
Dakong alas-11:55 ng gabi nang tuluyang masukol ng mga tauhan ni Capt. Cristobal ang akusado sa nasabing barangay.
Hindi na nakapalag si alyas Dan nang isilbi ng pulisya ang warrant of arrest na inilabas ng Branch 171, Regional Trial Court, Valenzuela City para sa kasong Attempted Murder noong April 30, 2013 na may inirekomendang piyansa na P120,000.
Pansamantalang nakadetine ang akusado sa custodial facility unit ng Valenzuela City Police Station habang hinihintay ang commitment order mula sa korte. (Merly Duero)