PATULOY ang pagtaas ng presyo ng petrolyo sa bansa, na halos umabot na sa isang daang piso kada litro, dulot ng patuloy na giyera sa Middle East. Umabot na sa ikalabing limang araw ang palitan ng missile ng Israel at United States laban sa Iran na nagdudulot ng malawakang epekto sa pandaigdigang merkado ng langis.
Bagamat hindi direktang apektado ang Pilipinas sa labanan, ramdam naman natin ang epekto sa lokal na presyo ng petrolyo. Kasunod nito, inaasahang tataas rin ang presyo ng bilihin at serbisyo mula sa mga industriya na umaasa sa petrolyo bilang pangunahing pinagkukunan ng enerhiya.
Lumalawak ang epekto sa mamamayan—mayaman man o mahirap—kapag tumagal ang krisis, at posibleng bumagal o huminto ang operasyon ng mga kompanya kapag nauubos ang suplay sa mga oil depot. Ang mga negosyong umaasa sa petrolyo, pati ang ilang electric companies na hindi gumagamit ng hydro o solar energy, ay posibleng magdulot ng malawakang blackouts.
Halos 99 porsyento ng sasakyan sa bansa ay nakadepende sa petrolyo. Kapag naubos ang supply mula sa Middle East, maaaring magbalik sa kalsada ang mga e-bike, bisikleta, at kalesa bilang alternatibong transportasyon. Sa ganitong sitwasyon, malinaw na walang panalo—ang sambayanan ang laging talo.
Nanawagan ang ilang eksperto na panahon na para sa reporma sa sektor ng enerhiya. Dapat palakasin ang solar, wind, at hydroelectric energy at isalang sa pambansang kontrol ang industriya. Kasama rito ang pagbalik sa 100 porsyento ng pagmamay-ari ng gobyerno sa Malampaya Natural Gas Power Plant upang maprotektahan ang mamamayan sa panahon ng pandaigdigang krisis.
Samantala, sinasamantala ng ilang kompanya ang sitwasyon. May mga outlet na pansamantalang nagsasara bago itaas ang presyo, ipinapasa sa mamamayan ang dagdag na gastusin. Habang tumataas ang presyo ng petrolyo, nananatiling mababa ang sahod ng manggagawa, kaya’t malinaw na panahon na para ang reporma ay magsilbi sa sambayanan, hindi sa iilan.






