MAKATARUNGAN at napapanahon ang panukalang batas ni Caloocan 2nd District Congressman Egay Erice — ang “Sagip Presyo Act”, na magsisilbing permanenteng solusyon sa mabigat na problema kinakaharap ngayon ng bansa.
Dito kasi sa inihaing panukala ni Rep. Ercie, kinakailangan aniya na magpatupad ng awtomatikong mekanismo ang pamahalaan upang maprotektahan ang mga Pilipino laban sa matinding pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Sa ganito raw paraan, magkakaroon ng malinaw at awtomatikong hakbang ang pamahalaan upang mapagaan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng petrolyo sa mga motorista, manggagawa, negosyo, at sa pangkalahatang ekonomiya ng bansa.
Sabi ni Erice, mahalaga raw magkaroon ng agarang tugon ang pamahalaan tuwing may krisis sa presyo ng langis upang hindi na lalong mabigatan ang mga mamamayan sa tumataas na gastos sa transportasyon at bilihin.
Giit pa niya, ang pagtaas ng presyo ng langis ay direkta raw na nararamdaman ng bawat Pilipino dahil kapag mahal ang krudo, tumataas ang pamasahe, transport cost, at presyo ng pagkain kaya dapat lang na magkaroon ng malinaw at awtomatikong proteksyon ang mamamayan laban sa ganitong mga sitwasyon.
Sa ilalim kasi ng House Bill No. 8494, o ang Sagip Presyo Act, kailangan ay awtomatikong ipatutupad ang mga kinakailangang hakbang kapag umabot sa itinakdang antas ang presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado.
Kabilang aniya rito ang awtomatikong suspensyon ng excise tax sa petrolyo upang mapababa ang presyo ng gasolina at diesel kapag umabot sa $80 per barrel ang presyo ng krudo.
Kapag umabot naman sa $100 per barrel ang presyo, suspendido rin ang Value Added Tax (VAT) sa petrolyo upang higit pang mapagaan ang pasanin ng mga mamimili.
At kung sakali na umabot pa sa $140 per barrel, magbibigay na ang pamahalaan ng 10% subsidy sa retail pump price ng petrolyo na direktang mararamdaman ng publiko sa mga gasolinahan.
Bagama’t marami ang naniniwala na suntok sa buwan ang panukala ni Erice, mahalaga aniya ang pagkakaroon ng ganitong mekanismo upang maiwasan ang matinding epekto ng oil price shocks sa ekonomiya ng bansa.
Sinabi pa ng kongresista, hindi raw dapat laging ang mamamayan ang unang sumasalo ng epekto ng pagtaas ng presyo ng langis. Kailangan daw ay may malinaw na sistema kung kailan at paano kikilos ang gobyerno para protektahan ang publiko.
Naniniwala si Erice na sa pamamagitan ng panukalang batas, tiyak daw na makatutulong ito sa pagpigil sa pagtaas ng presyo ng transportasyon, pagkain, at iba pang pangunahing bilihin na kadalasang naaapektuhan kapag tumataas ang presyo ng petrolyo.






