MANILA, Philippines – NASAMSAM ng mga tauhan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang kabuuang 11,309 piraso ng iligal na vape products na may katumbas na mahigit ₱33 milyon na buwis matapos ang pinaigting na operasyon noong Marso 12 sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Batangas, at Laguna.
Ayon sa BIR, sabay-sabay ang kanilang pagsalakay bilang bahagi ng malawakang crackdown laban sa bentahan ng mga “untaxed” vape products.
Sa Muntinlupa at Parañaque, natuklasan ng BIR ang limang establisyemento na nagbebenta ng iligal na vape—na kalaunan ay napag-alamang iisa lang pala ang may-ari kahit iba-iba ang pangalan ng tindahan!
Narekober dito ang 2,509 vape items kabilang ang nicotine pods, disposable units, at freebase bottles na may katumbas na buwis na umaabot sa ₱8.1 milyon.
Samantala, sa Valenzuela at Caloocan, nasamsam ang 1,191 disposable vape units na tinatayang may buwis na halos ₱3 milyon. Natuklasan pa na ang ilan sa mga ito ay may peke o walang tax stamps—patunay na hindi nagbayad ng excise tax!
Sa Cavite at Batangas, 12 establisyemento ang sinalakay kung saan 9 ang nahuling nagtitinda ng hindi rehistrado at walang tatak na vape products. Dito nasabat ang 6,065 items na may halagang buwis na nasa ₱18.2 milyon.
Nasamsam din sa San Pedro, Laguna ang 1,544 iligal na vape products na tinatayang may buwis na ₱4.6 milyon, matapos ang surveillance at intelligence operation ng BIR.
Babala ni BIR Commissioner Charlito Mendoza na ang sinumang mahuhuling nagbebenta ng iligal na vape ay maaaring masampahan ng kaso, makumpiskahan ng produkto, at pagbayarin ng buwis alinsunod sa umiiral na batas. Jay Reyes