MANILA, Philippines – Inihain ang isang petisyon sa Korte Suprema nitong Biyernes na kumukwestyon sa legalidad ng P114 bilyong budget ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) para sa 2026.
Humiling ang mga petisyoner na sina Abdulsukor Mustapah at Bohari Lampatan sa Korte Suprema ng certiorari na may kalakip na panalangin para sa pag-isyu ng temporary restraining order (TRO) laban sa Bangsamoro Autonomy Act (BAA) No. 85, na naglalaman ng operational funds ng BARMM para sa 2026.
Ayon sa mga petisyoner, nilabag ng BAA No. 85 ang Konstitusyon at Bangsamoro Organic Law (BOL) dahil inilalaan nito ang 23.22% o P26 bilyon sa Ministry of Education para sa 2026, ngunit nabigo itong ibigay ang “highest priority to education” sa paglalaan ng pondo ng gobyerno.
Dagdag pa ni Rahman, binawasan ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) ang pondo para sa social services at nagkaroon ng “grave abuse of discretion” nang ilaan nito ang 41% o P47 bilyon ng 2026 BARMM budget sa Office of BARMM Chief Minister Abdulraof Macacua.
“Ating hinihiling sa Korte Suprema ay maglabas ng TRO at tuluyan nang i-declare na unconstitutional itong BAA No. 85 na ipinasa ng BTA,” dagdag ni Rahman.
Noong Disyembre 2025, ipinasa ng BTA ang BAA No. 85, na naglalaan ng pondo para sa operasyon ng gobyerno ng Bangsamoro sa 2026. Jocelyn Tabangcura-Domenden