MANILA, Philippines – Iminungkahi ng Office of the Ombudsman sa Senado nitong Lunes ang pagbuo ng sariling in-house enforcement service upang mabawasan ang pag-asa nito sa ibang law enforcement agencies sa pagpapatupad ng mandato nito.
Iniharap nina Assistant Ombudsman PMGen. Eliseo DC Cruz at Assistant Ombudsman Atty. Luis Gonzaga Bonoan Jr. sa Senate panel on justice and human rights ang rekomendasyon kaugnay ng panukalang magbibigay sa Ombudsman ng law enforcement powers.
Ayon kay Cruz, mas marami sanang tiwaling opisyal ng gobyerno ang maaaring mahuli kung may kapangyarihan ang Ombudsman na magsagawa ng legal na pag-aresto at entrapment operations.
“The Office of the Ombudsman knows it could have caught more corrupt government personnel… if it is given the power to make lawful arrests and execute such entrapment operations,” ani Cruz.
Sa kasalukuyan, umaasa ang Ombudsman sa PNP, NBI at AFP para sa mga operasyon nito. Ayon kay Cruz, naging “tedious” ang koordinasyon sa mga ahensyang ito. Bagama’t nakatulong ang kanilang suporta sa mga tagumpay ng Ombudsman, nagdulot din umano ng pagkaantala ang mahabang proseso ng koordinasyon.
Umaasa rin ang Ombudsman sa ibang ahensya para sa entrapment operations at seguridad ng kanilang mga informant at sariling imbestigador.
Ayon kay Bonoan, layunin ng panukala na pagsama-samahin sa isang coordinating office ang mga tungkulin sa pagpapatupad ng administrative judgments, enforcement, institutional security at compliance monitoring.
Kabilang sa mga tungkulin ng iminungkahing enforcement service ang pagpapatupad ng mga desisyon at kautusan, pagbuo ng enforcement protocols, proteksyon sa mga opisyal, personnel, complainants at witnesses, threat assessment, imbestigasyon at forensic analysis.
Magsasagawa rin ito ng koordinasyon sa law enforcement agencies para sa mga pag-aresto at warrant, paghahatid ng subpoenas at summons, pagberipika sa pagsunod sa mga desisyon, at pagbibigay ng intelligence at suporta sa mga imbestigasyon at enforcement operations.
Tinatayang 100 bagong posisyon ang kakailanganin sa buong bansa kapag nabuo ang in-house enforcement service.
Sa kasalukuyan, iniimbestigahan ng Ombudsman ang mga paglabag ng mga opisyal ng gobyerno, kabilang ang korapsyon at pag-abuso sa kapangyarihan, ngunit wala itong direktang kapangyarihang mang-aresto o magsimula ng criminal cases. Maaari itong magpataw ng administrative penalties o magsampa ng criminal charges sa korte. RNT/MDS