MANILA, Philippines – Tinutulan ng isang petisyuner na humihiling ng ganap na pagbabawal sa pagpapatupad ng No Contact Apprehension Policy (NCAP) sa Metro Manila ang pinagsamang mosyon ng limang lokal na pamahalaan na alisin ang temporary restraining order (TRO) na inilabas ng Korte Suprema sa kanilang mga polisiya sa mga lansangan simula noong 2022.
Sa isang 18-pahinang oposisyon na inihain noong Marso 17, hinimok ng abogadong si Juman Paa ang Korte Suprema na ibasura ang mosyon na alisin ang TRO sa pagpapatupad ng NCAP sa ilalim ng iba’t ibang ordinansa sa mga lungsod ng Maynila, Quezon City, Valenzuela, Parañaque, at Muntinlupa dahil umano ito ay labag sa konstitusyon.
Ang limang lokal na pamahalaan ay mga respondent sa pinagsamang petisyon na isinampa ni Paa, mga grupong pampublikong transportasyon, asosasyon ng mga drayber, at mga operator ng taxi noong 2022 laban sa NCAP sa Metro Manila.
Iginiit ni Paa na ang Land Transportation Office (LTO) lamang ang may “quasi-judicial function” sa mga paglabag sa trapiko, maliban kung ito ay itinakda sa batas o amyenda sa mga umiiral na batas tulad ng Local Government Code. Inulit din niya ang kanyang argumento laban sa “registered owner of vehicle” rule, kung saan awtomatikong sinisingil ang nakarehistrong may-ari ng sasakyan kahit sino pa ang aktwal na drayber na lumabag.
Ayon kay Paa, ang ganitong sistema ng pag-huli sa mga lumalabag na motorista ay “sumisira” sa layunin ng NCAP na magturo ng disiplina sa kalsada.
Noong Agosto 30, 2022, naglabas ang Korte Suprema ng TRO laban sa NCAP, ngunit bahagyang inalis noong Mayo 2025 para sa mga pangunahing lansangan na saklaw ng Metro Manila Development Authority (MMDA), ngunit hindi para sa mga LGU. Dahil dito, hiniling ni Paa noong Hunyo 2025 na muling pag-isipan ng Korte Suprema ang desisyon nitong bahagyang alisin ang TRO, na nagbigay-daan sa pagpapatuloy ng NCAP sa mga pangunahing lansangan tulad ng Katipunan, Marcos Highway, Roxas Boulevard, Commonwealth Avenue, Quezon Avenue, West Avenue, E. Rodriguez Avenue, at Gil Puyat Avenue.
Gayunpaman, sinabi ni Paa na ang TRO sa Maynila ay naging “walang saysay” dahil 40 porsyento ng mga kalsada ng lungsod ay sakop pa rin ng NCAP nang payagan ng Korte Suprema ang no-contact citation sa mga pangunahing lansangan. Kasama rito ang Recto Avenue, Mendoza Street, President Quirino Avenue, Roxas Boulevard, Taft Avenue, South Super Highway, Magsaysay Boulevard, Rizal Avenue, at Del Pan.
Noong Oktubre 3, 2025, ang mga LGU, kabilang ang Maynila, ay nagsumite ng joint manifestation, at sumunod na supplemental manifestation noong Pebrero 5, na humihiling ng pagbawi sa TRO sa NCAP sa sakop ng kanilang mga lungsod.
Hanggang ngayon, hindi pa nareresolba ng Korte Suprema ang mga mosyon ng LGUs at ni Paa.
Unang hinamon ni Paa ang konstitusyonalidad ng NCAP noong Agosto 2022 matapos magkaroon ng hindi nabayarang multa ang kanyang rehistradong sasakyan na umabot sa ₱20,306. Sinabi niyang nilabag ng ganitong paraan ng apprehension ang due process at karapatan sa data privacy. Jocelyn Tabangcura-Domenden