MANILA, Philippines – Ipinahayag ng Bureau of Immigration (BI) na aabot sa 26 Pilipino ang na-repatriate mula sa bansang Malaysia na karamihan ay iligal na umalis ng bansa sa pamamagitan ng “backdoor” mula 2006 hanggang 2025.
Sa ulat sa Immigration, sinabi ng I-PROBES na ang mga biktima—17 lalaki at 9 babae—ay dumating sa Maynila nitong Marso 16.
Nabatid na karamihan sa kanila ay dumaan sa “southern backdoor” at palihim na isinakay sa bangka patungong Malaysia.
Pero imbes na magandang trabaho ang datnan, inaresto sila ng Malaysian authorities dahil sa kawalan ng dokumento, at karamihan ay nakulong bago naibalik sa Pilipinas.
Nabatid na ang isang babae ay pinangakuang magtatrabaho bilang waitress, pero kalaunan ay pinilit sa prostitusyon.
Samantala, ilang lalaking ni-recruit para sa construction ay nakaranas ng pang-aabuso—kabilang ang hindi pagbabayad o kulang na sahod.
Mariing kinondena ng Immigration ang mga sindikato ng human trafficking.
Dagdag pa nito, paiigtingin ang pagbabantay sa mga paliparan at pantalan, lalo na sa mga border sa southern Philippines, para mapigilan ang ganitong modus.
Sa ngayon, ang mga na-repatriate ay binibigyan ng tulong, habang nagsisimula na ang gobyerno sa pagsasampa ng kaso laban sa mga salarin. JAY Reyes