Home METRO Kelot na miyembro ng gang, tiklo sa boga sa Pasay

Kelot na miyembro ng gang, tiklo sa boga sa Pasay

164
0

MANILA, Philippines – Nadakip ng mga tauhan ng Pasay City police Sub-Station 4 ang kilabot na miyembro ng gang na nahulihan ng baril sa loob ng isang sasakyan Biyernes ng umaga, Marso 20.

Kinilala ni Pasay City police chief P/Col. Joselito De Sesto ang inarestong suspek na si alyas Jof, 35, miyembro ng Sputnik Gang, residente ng 2200 Tramo Street, Barangay 51, Pasay City.

Base sa report na isinumite ni De Sesto sa Southern Police District (SPD), naganap ang pagdakip sa suspek bandang alas 3:20 ng umaga sa kanto ng M. Dela Cruz at Magtibay Street, Barangay 134, Pasay City.

Sinabi ni De Sesto na sa mga oras na iyon ay nagsasagawa ng pagpapatrulya ng kanilang Oplan Sita ang mga tauhan ng Central Park Sub-Station 4 nang kanilang mapuna ang isang sasakyan na nakaparada sa kanto ng M. Dela Cruz at Magtibay Street na nakakasagabal sa mga dumadaang sasakyan dahil na rin sa kakiputan ng daan dito.

Ayon kay De Sesto, sinita ng mga operatiba ang suspek kung saan hinanapan ito ng kanyang driver’s license matapos na mahalatang walang nakapasok na susi sa mismong igniton key at namukhaan din ito na umanoý labas-pasok na sa kulungan.

Habang hinahanap ng suspek ang kanyang lisensya sa kanyang sling bag ay napuna ng isa sa mga operatiba na may baril ito kung kaya’t hinanapan na rin siya ng firearm license ngunit wala itong maipakita na nagresulta ng kanyang pagkakaresto.

Narekober sa posesyon ng suspek ang isang .38 caliber revolver na kargado ng tatlong bala at ang kulay gray na sling bag na pinaglagyan ng kanyang baril habang inimpound naman bilang ebidensya ang kanyang sinakyan na kulay pula na KIA Picanto.

Ini-refer ng Sub-station 4 ang suspek sa Investigation and Detective Management Section (IDMS) habang ang narekober na baril at bala ay dinala sa SPD Forensic Unit para isailalim sa ballistic examination at firearm identification.

Kasong R.A. 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunitions Act of 2013) ang kinahaharap ng suspek sa Pasay City Prosecutor’s Office. (James I. Catapusan)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here