MANILA, Philippines – Ipagpapatuloy ng Department of Agriculture–Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (DA-BFAR) ang pamamahagi ng fuel subsidies sa mga mangingisda sa buong bansa sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis dulot ng tensyon sa Middle East.
Ayon sa ahensya, ginagamit nito ang natitirang pondo habang pinapabilis ang supplemental agreement sa Development Bank of the Philippines (DBP), na inaasahang maglalaan ng karagdagang P50 milyon para sa humigit-kumulang 15,000 pang benepisyaryo.
“Global fuel volatility should not come at the expense of our fisherfolk’s survival. We are moving promptly to ensure assistance reaches them without delay, because keeping our fishing boats running means keeping food on Filipino tables and sustaining livelihoods,” ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.
Sa ilalim ng Fuel Assistance Program, tumatanggap ang mga kwalipikadong mangingisda ng one-time na P3,000 subsidy sa pamamagitan ng cash cards o vouchers, at mahigit 10,000 na ang nabigyan ng tulong.
Layunin ng programa na maprotektahan ang kabuhayan ng mga mangingisda at matiyak ang seguridad sa pagkain, kahit inaasahang tataas pa ang presyo ng langis sa susunod na linggo, kung saan posibleng umakyat ng P16.50 hanggang P17.50 kada litro ang diesel at P7.50 hanggang P8.50 ang gasolina.
Tiniyak din ng Department of Agriculture na nananatiling matatag ang suplay ng pagkain sa bansa sa kabila ng oil price hikes. Santi Celario