MANILA, Philippines – Nasamsam ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation–National Capital Region (NBI-NCR) ang tinatayang P31.4 milyong halaga ng pekeng external storage devices sa isang operasyon sa Maynila.
Isinagawa ang raid sa dalawang bodega sa Binondo at San Miguel matapos maglabas ng search warrant ang Manila Regional Trial Court Branch 28 kaugnay ng reklamong trademark infringement na inihain ng lehitimong manufacturer laban sa mga may-ari ng mga bodega.
Kabilang sa mga nakumpiska ang mga hard drive, flash drive, at SD card na ginaya ang itsura at packaging ng orihinal na produkto.
Ayon kay NBI spokesperson at head agent Palmer Mallari, nagsagawa muna ng surveillance at test-buy ang mga operatiba upang makumpirma ang ilegal na gawain.
“Nag-conduct ng surveillance at test-buy ang ating mga operatiba. At matapos na makabili ay pinakita po ito sa ating complainant who immediately issued a certification that it’s actually a fake hard drive but using their trademark,” aniya.
Binigyang-diin ni Mallari na dehado ang mga mamimiling makakabili ng pekeng produkto dahil hindi garantisado ang kalidad nito.
“You’re not able to consume and make use of the full capacity and memory of the hard drive. Apart from that, dahil nga hindi tayo nakakasiguro kung anong piyesa ang ginamit dito, meron pong tendency na malamang masisira ang mga files na ating sine-save. Mako-corrupt,” paliwanag niya.
Wala namang naarestong indibidwal sa operasyon. Nakatakdang sirain ang mga nakumpiskang produkto sa sandaling maglabas ng kaukulang kautusan ang korte. Santi Celario