MANILA, Philippines – Posibleng tumaas ang singil sa kuryente ngayong Abril dahil sa epekto ng sigalot sa Middle East at paghina ng piso laban sa dolyar, ayon sa Energy Regulatory Commission (ERC).
Ayon kay ERC Chairperson Francis Saturnino Juan, maaaring maramdaman ang pagtaas sa susunod na billing cycle kung ito ay magmumula sa pagtaas ng presyo ng supply mula sa generation companies patungo sa distribution utilities at retailers.
“Kung ito ay epekto na doon sa presyo ng supply ng ating mga generation companies sa ating mga distribution utilities at mga retailer, ay maaari nang makita natin ito sa ating bill ngayong Abril,” aniya.
Bagama’t wala pang eksaktong halaga ng dagdag-singil, tinaya ng National Association of Electricity Consumers for Reforms (NASECORE) na maaaring umabot sa P2 hanggang P4 ang itataas kada kilowatt-hour batay sa karagdagang gastos sa Wholesale Electricity Spot Market. Katumbas ito ng humigit-kumulang P400 dagdag sa buwanang bayarin ng mga kabahayang kumokonsumo ng 200 kilowatt hours.
Iminungkahi rin ng grupo na dapat itong sumailalim sa audit at ipatupad nang paunti-unti.
Nilinaw ng ERC na maglalabas ito ng mga direktiba upang ipatupad ang koleksiyon ng dagdag-singil sa staggered basis. Dagdag ni Juan, nakaaapekto rin sa pagtaas ng singil ang mataas na demand sa kuryente.
“Kakailanganin natin ng mas maraming supply. Kakailangan din natin ang ibang planta na tumatakbo sa mas mahal na panggatong,” aniya.
Sinabi rin niya na may sapat na suplay ng coal ang mga planta upang magpatuloy ang operasyon sa kabila ng tumataas na gastos sa pag-angkat nito. Dave Baluyot