MANILA, Philippines – Humarap ang vlogger na si Geo Ong sa Land Transportation Office (LTO) Central Office sa East Avenue sa Quezon City nitong Lunes, Nobyembre 23 para ipaliwanag ang umano’y mga paglabag sa batas-trapiko kabilang ang pagmamaneho ng motor nang walang suot na helmet.
Nagtipon naman sa labas ng LTO ang mga tagasuporta ng pamilya nito na kilala sa tawag na “Ong Fam” para makita ang kanilang idolo.
Sa social media post ng LTO, ibinahagi nito ang mga larawan ng vlogger kasama ang iba pang rider ng motorsiklo na walang suot na helmet.
Dahil dito ay inatasan ng LTO si Ong na humarap sa LTO Palawan District Office at magpasa ng sworn comment o paliwanag tungkol sa mga violation na tinukoy sa SCO.
Kabilang dito ang bigong pagsusuot ng prescribed standard protective motorcycle helmet, pagkakaroon ng higit sa isang back rider, at reckless driving sa pagkuha ng larawan o video habang nagmamaneho.
Inilagay na sa 90-day preventive suspension ang lisensya ni Ong.
“Bilang vlogger, may responsibilidad siyang maging maingat sa mga kilos na ipinapakita niya sa publiko dahil maaari itong gayahin ng kanyang mga tagasubaybay. Hindi dapat isinasantabi ang kaligtasan para lamang makakuha ng larawan o video na maibabahagi sa social media. Kailangang nakatuon ang buong atensyon sa pagmamaneho sa lahat ng oras,” sinabi ni Assistant Secretary Markus Lacanilao.
Humingi naman ng tawad si Ong sa insidente.
“Mali tayo dito fam. Sorry sorry. Di na mauulit sa abot ng ating makakaya. Wag tularan ha. Safety first,” sinabi pa niya. RNT/JGC