MANILA, Philippines – Aabot sa ₱2 milyon halaga ng ukay-ukay ang natupok sa sunog na sumiklab sa isang warehouse sa Trece Martires City, Cavite, na nadamay din ang tatlong sasakyan.
Ayon sa ulat ng pulisya, nangyari ang sunog bandang alas-1:25 ng hapon sa Phase 1A, Southville II, sa Barangay Inocencio sa warehouse na pag-aari ng isang 43-anyos na negosyante.
Batay sa imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang apoy sa likurang bahagi ng gusali at mabilis itong kumalat dahil sa malakas na hangin hanggang sa tuluyang masunog ang buong istruktura.
Nadamay sa insidente ang isang tricycle, isang kotse, at isang Toyota Innova.
Inabot ng mahigit kalahating oras bago tuluyang naapula ang sunog, habang patuloy pang inaalam ang sanhi nito. Margie Bautista