RIZAL, Philippines – Patay ang 20 anyos na motorista matapos bumangga sa isang pickup truck sa Sumulong Highway, Barangay Sta. Cruz, Antipolo City noong Linggo, Marso 22.
Batay sa dashcam footage, nakitang bumababa sa kurbadang bahagi ng kalsada ang rider at diumano’y nagmamadali.
Pagkatapos niyang madaanan ang sasakyan, bumangga siya sa pickup truck na sumusunod dito.
Ayon sa awtoridad, sumobra ang rider sa kanyang lane sa kurbada kaya naganap ang aksidente.
Wasak ang harap ng pickup at nabasag ang windshield.
Dinala ang rider sa ospital ngunit idineklara nang patay. Naabot naman ng pamilya ng rider at ng driver ng pickup ang kasunduan: nag-waive ng reklamo ang pamilya, at pumayag ang driver na sagutin ang gastusin sa libing at pagkukumpuni ng sasakyan. RNT/MND