MANILA, Philippines – Nagpuyos sa galit si Senador Rodante Marcoleta sa umano’y kapabayaan ng Department of Energy sa pagmonitor ng lumulobong presyo ng produktong petrolyo.
Sa pagdinig ng Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy (PROTECT) committee ng Senado, kinwestyon ni Marcoleta, chairman ng Senate Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship, ang biglaang pagtaas sa presyo kahit na mayroon pa namang existing invetories ng langis.
“Noong nakaraang hearing natin last Tuesday, maliwanag po na sabi ninyo, DOE, meron tayong 46 days for diesel at that time. Tuesday po ito. Sa kerosene naman, meron tayong 53 days. Ang pinag-uusapan natin do’n, after 15 days, mula nung sabihin ng Pangulo na meron tayong 50 to 60 days inventory, biglang pumalo sa P110 per liter,” ayon sa senador.
“Dati po nilang imbentaryo ‘yun eh. Paano po
magiging P110 from P55?”
Ipinaliwanag naman ni DOE Oil Management Bureau Director Rino Abad na kailangang makolekta ng oil companies ang halaga sa linggong iyon para makabili naman ng seven-day replacement.
“Because, Mr. Chair, ‘yung binenta kasi na ‘yun will have to be replaced right after next week. So, kinulekta ho ‘yung amount,” ani Abad.
Sa kabila nito, iginiit ni Marcoleta na dapat ay ginamit ng DOE ang kapangyarihan nito na hilingin sa mga oil company na magpresenta ng mga dokumento na nagpapaliwanag ng biglaang pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo ng mga ito.
“Did you check the oil companies? Kinuha nyo yung document? Kanino nila binili? Makikita nyo ba kung magkano binili? Did you check that? Have you done that,?” tanong ni Marcoleta sa DOE.
“Not in that,” sagot naman ni Abad.
Dahil dito ay sinabi ni Marcoleta na:
“Oh eh paano mo sasabihin ngayon? Katungkulan niyo nga yun, if you are screening, if you are monitoring.”
“Now, I am asking you, nag-check? Sabi niyo hindi. So, ano ‘yung monitoring? This is the frustration, Mr. Chair. Salamat po.”
Tumayo at umalis sa session hall si Marcoleta habang isinasagawa ang hearing.
Dito na tinanong ni Senador Loren Legarda si Marcoleta na:
“Bakit ka aalis kung frustrated ka? Wala kang sagot na nakuha? Huh? Bakit ayaw eh kanina pa, ilang oras na tayo dito, wala pa ring sagot?” ani Legarda. RNT/JGC